‘Smuggled product’ lang ang nasasabat ng Customs, wa’ nasasampolang smuggler, buwisit!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 13, 2022
HIRIT NG DTI NA KASYA ANG P500 BUDGET SA NOCHE BUENA, SUNTOK SA BUWAN—Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, na sa pagtitipid ay kasya na ang P500 budget na panghanda sa Noche Buena para pamilya na may apat o hanggang limang miyembro.
Mataas na presyo ng mga produkto ang problema, hindi ang kakayahan ng mga Pinoy na magtipid. Sa totoo lang, kahit ano’ng gawing kompromiso ng pamilya—maliit man o maraming miyembro ay suntok sa buwan na mapagkasya ang P500 dahil sa panahon ngayon ay halos barya na lang ito.
◘◘◘
MAHIRAP NA PINOY, ‘NGANGA’ SA PASKO ‘PAG WALANG P500—Ipagpalagay man nating may mabibili namang produkto sa P500, ang tanong ay lahat ba ang may kakayahang magkaroon ng ganitong halaga ng pera? Ang tinutukoy natin ay ‘yung mga kababayan nating poorest of the poor, na walang biro’y wala talagang kakayahan na magkaroon ng P500.
‘Yan ang malungkot na katotohanan sa ating lipunan, magkakaiba tayong pribilehiyo. May ilan na pasok sa banga o sobra pa ang budget sa P500, pero may mga kababayan tayong walang-wala talaga.
Imbes sana unahin ‘yung pondo sa Maharlika Wealth Fund, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang ayuda, na pamasko na rin nang sa gayun ay masaya tayong lahat at wala tayong kababayan na kumakalam ang sikmura sa Pasko?
◘◘◘
CUSTOMS, MAY NAKUMPISKANG SMUGGLED AGRI-PRODUCTS, WALA NAMANG KINASUHAN AT IKINULONG NA AGRI-SMUGGLERS—Ibinida ng Bureau of Customs (BOC) na sa panahon ng Marcos administration ay nakakumpiska sila ng mahigit P1 bilyong smuggled agri-products na ipinupuslit sa Adwana.
Okay na sana ang pagpapasikat ng Customs pero may kulang, wala naman kasi silang inanunsyo na may kinasuhang smugglers.
◘◘◘
HANGGA’T HINDI IKINUKULONG ANG MGA SMUGGLERS, HINDI MATITIGIL ANG SMUGGLING—Sana sa susunod na magpabida ang Customs ay ianunsyo nilang kinasuhan at ipinakulong na nila ang mga agri-smugglers ng Pilipinas na sina “Leah Cruz”, “Michael Yang”, “David Bangayan”, “Paul Teves”, “Manuel Tan”, “Andrew Chang” at “Jun Diamante”.
Sa totoo lang, hangga’t hindi nakakasuhan at nakukulong ang mga agri-smugglers ay hindi matitigil ang smuggling sa Customs.





Comments