ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 27, 2024
Natapos din ang problema hinggil sa mahigit isang linggong kontrobersiya tungkol sa dalawang sport car na paikut-ikot sa Metro Manila na umano’y hindi nagbayad ng kaukulang buwis at nakalusot sa Bureau of Customs, ngunit nairehistro sa Land Transportation Office (LTO) matapos na isuko ng may-ari ang kontrobersiyal na sports car.
Mismong may-ari ng smuggled luxury car ang nagsuko sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC.
Nasa pag-iingat na ngayon ng CIIS ng BOC ang asul at pulang Bugatti Chiron sports car na nagkakahalaga ng P165 milyon ang bawat isa matapos ang ilang linggong paghahanap ng mga otoridad.
Ang pagsurender sa sasakyan ay isinagawa matapos ang dalawang linggo makaraang maglabas ng warning ang BOC laban sa isang Thu Trang Nguyen, na siyang registered owner ng naturang blue sports car na may plate number na NIM 5448.
Ang sports car ay isinuko sa mga ahente ng BOC, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa Muntinlupa City.
Nabatid na nakipag-ugnayan ang grupo ng BOC sa mga barangay official at security officers bago nagtungo sa lokasyon ng smuggled vehicle.
Matapos ito ay tinanggap ni Atty. Michael Mosquite, kinatawan ng may-ari ng sasakyan, ang isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) bago tuluyang isinakay ang luxury car sa isang low bed truck at dinala sa BOC-Port of Manila.
Binalaan umano ang may-ari ng sports car na kailangang mahanap na sa lalong madaling panahon ang kontrobersiyal na sports car at mabuting agad namang nakipagtulungan ang may-ari nito.
Nabatid na unang nakipag-ugnayan ang NBI at PNP sa BOC upang tumulong sa paghahanap sa sasakyan.
Una na ring isinuko ang isa pang smuggled na pulang Bugatti Chiron sports car na nagkakahalaga rin ng P165 milyon at may plate number na NIM 5450, at nakarehistro sa isang Menguin Zhu sa nasabi ring barangay noong Pebrero 9, 2024.
Naglunsad ang BOC ng search sa naturang dalawang smuggled luxury cars nang mamataang bumabagtas sa mga lungsod ng Pasay, Pasig, Muntinlupa, at Cavite province noong Pebrero 3. Pinuri naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy ang koordinasyon ng mga key government agencies, at ng media, sa pagpapakalat ng impormasyon sa publiko na nagresulta sa pagkarekober sa dalawang sports car.
Isa na namang patotoo ang nangyari sa isyung ito na kapag nagkaisa ang mga operatiba ay magkakaroon talaga ng mabilis at positibong resulta. Ang lahat ng problema ay mayroong katapat na solusyon. Sakit din naman kasi sa ulo ng BOC ang mga luxury car na ito at nagkakadudahan pa sa loob ng ahensya kung sino ba ang kumita.
Ngunit, kahit isinurender na ang mga sasakyan, ang mga may-ari nito ay mahaharap pa rin sa mga kasong paglabag sa Section 1401 in relation to Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ito ang dapat na mangyari, kailangang makita talaga ng publiko na may managot sa kasong ito upang hindi na maulit pa, dahil sa rami ng mga mayayaman sa bansa ay hindi imposibleng balang araw ay maulit na naman ang pangyayaring ito sa gitna ng hindi pa maayos-ayos na problema hinggil sa Public Utility Modernization Program (PUVMP) tapos ay dinadaan-daanan lang sila ng napakamamahal na sports car na pilipit pa ang papeles.
Pinupuri natin ang joint forces ng NBI at PNP dahil sa kung hindi rin naman sa pressure na ibinigay nila ay hindi rin naman isusurender ang mga luxury car na ito.
Kaya salamat sa NBI at PNP sa pagtutok sa kasong ito, solved agad!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments