Sistema wa’ epek kaya tuloy ang smuggling sa 'Pinas
ni Ryan Sison @Boses | Enero 19, 2023
Aminado si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi epektibo ang sistema pagdating sa pagsugpo sa talamak na smuggling o pagpupuslit ng mga ilegal na produkto sa bansa.
Ito ang kanyang pahayag sa isang pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) kamakailan, kung saan nagpahayag din ito ng pagkadismaya dahil hindi masugpo ang smuggling.
Dahil dito, nagpasaklolo na ang Pangulo sa pribadong sektor sa gitna ng kanyang planong paigtingin ang paglaban sa talamak na smuggling sa bansa.
Kaya utos ng Pangulo, dapat maghanap ng ibang paraan at hindi maaaring umasa sa kasalukuyang sistema na napatunayang hindi epektibo. Gayundin, ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ay dapat aniyang kumilos at maging “innovative” upang matugunan ang problema.
Nais din ni P-BBM na magkaroon ng reporma sa burukasya upang masugpo ang smuggling, bawasan ang gastos sa logistics at tiyakin na maging madali ang pagnenegosyo sa bansa.
Dahil sa sunud-sunod na pagkakadiskubre ng milyun-milyong halaga ng mga puslit na produktong agrikultura, nakadidismaya dahil kapansin-pansing walang naparurusahan.
Nagdudulot ito ng malaking lugi sa gobyerno at unti-unting pumapatay sa mga lokal na magsasaka. Bagay na nakadidismaya dahil sa halip na tuluy-tuloy ang kita ng bansa ay malaki ang nalugi.
Ngayong umaapela ng tulong sa pribadong sektor ang Pangulo, suko na ba ang gobyerno dahil sa tindi ng smuggling sa bansa?
Kung tutuusin, ‘yung mga nakaupo sa puwesto ang dapat kumayod para matuldukan ang smuggling sa lalong madaling panahon.
Tutal, alam na ang problema, kumilos na kayo. Sabayan ng pagkilos ang panawagang tulong sa mga pribadong sektor para mas mabilis na maresolba ang isyu sa smuggling.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments