Sistema sa batas-trapiko, high-tech na
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 1, 2023
Simula sa susunod na linggo, gagawing automated o digital na ng Land Transportation Office (LTO) ang paniniket ng lahat ng kanilang law enforcers sa buong bansa.
Ito ang ipinahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo ‘Jay Art’ Tugade, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipatupad ang digitalization sa kagawaran.
Ipamamahagi na rin ng LTO sa kanilang mga law enforcer ang Law Enforcement Handheld Mobile Device na gagamitin para sa pagbibigay ng electronic Temporary Operators’ Permit (e-TOP).
Ibig sabihin nito ay hindi na gagamit ng manual na TOP na kadalasang ibinibigay sa mga indibidwal na may paglabag sa batas-trapiko dahil idaraan na ito sa handheld device para awtomatikong maipasok sa online system ng LTO.
Ayon pa sa opisyal, machine-generated TOP na ang matatanggap ng mahuhuling motorista at kapag ang paglabag sa batas-trapiko ay naipasok na sa mga handheld device, hindi na ito maaaring baguhin pa.
Aniya, nasa mahigit 800 enforcers ng ahensya ang sumailalim na sa refresher course at training sa paggamit ng LEHMD.
Gamit ang handheld device ng mga law enforcers, digital na ang kanilang paniniket sa mga lalabag na motorista. Ang LEHMD ay may camera at fingerprint scanner para magamit ng mga traffic enforcer sa pag-verify kung peke o tunay ang ipiprisintang driver’s license, habang ang camera nito ay puwede ring gamitin na face recognition scanner.
Umaasa naman ang ahensya na sa pamamagitan nito ay tuluyan nang maiiwasan ang pangongotong at korupsyon umano sa mga enforcers.
At sakaling maisapinal na ng LTO ang cashless payment feature ng mga LEHMD, maaari nang makapagbayad ng multa ang mga may traffic violation gamit ang credit card o load wallets.
Sa ngayon, mayroong 1,200 na LEHMD ang ahensya na naka-deploy sa iba’t ibang rehiyon.
Mukhang impresibo ang programa ng LTO dahil unang mareresolba rito ang problema sa kotong. Wala nang mangingimi na subukin ito ng traffic enforcer dahil digital na at buking agad sila sa online system ng ahensya sakaling may anomalya mang gagawin.
Dahil high-tech na, dapat na dumaan sila sa masidhing training sa paggamit ng mga handheld device para hindi magkamali-mali sa pagtitiket sa mga lumalabag na motorista.
Sa ating mga kababayan na talagang pasaway sa kalsada, wala na ring kawala rito dahil kitang-kita na pati mga mukha sa LTO sakaling nahuling lumalabag.
Anumang oras, kapag nasa lansangan ay matuto tayong sumunod sa ipinatutupad na batas-trapiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments