Sirkulasyon ng pekeng pera, dapat nang matuldukan
- BULGAR
- Nov 23, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 23, 2022
Kasabay ng paulit-ulit na pagbibigay-paalala at babala sa publiko laban sa iba’t ibang modus o panloloko ngayong Kapaskuhan, binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) na dapat ding bantayan ang pagkalat ng mga pekeng pera.
Ayon sa PNP, kailangang maging maingat ng lahat, partikular ang mga mamimili at makikipagtransaksyon sa palengke at shopping malls.
Samantala, para naman sa mga magbabalik-bayan ngayong Pasko, nagpaalala ang pulisya na magpapalit lamang ng pera sa mga authorized money changer upang hindi sila mabiktima ng panloloko.
Bukod pa rito, pinayuhan ng PNP ang publiko na mamili nang mas maaga upang hindi makipagsiksikan o sumabay sa holiday shopping rush.
Matatandaang nauna nang pinayuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na sipatin nang mabuti ang pera upang malaman kung ito ay peke o hindi. Muling ipinaalala sa publiko ang “Feel-Look-Tilt” method upang itsek ang security features ng pera.
Bagama’t inaasahan na ang paglangap ng iba’t ibang uri ng mga panloloko tuwing holiday season, nakakadismaya na hanggang ngayon ay may namemeke pa rin ng pera.
‘Ika nga, hindi na bago ang ganitong modus, kaya imbes na magpaalala at magbigay-babala lang sa publiko, marahil ay napapanahon nang gumawa ng paraan para matigil ang ganitong gawain. Galaw-galaw naman tayo.
Bukod sa pagbabantay sa pagkalat ng pekeng pera, sana’y gumawa pa ng mga hakbang ang mga kinauukulan upang matunton at mapanagot ang mga nasa likod nito dahil hangga’t hindi nahuhuli ang mga kawatan, hindi matitigil ang panloloko.
Huwag na tayong maghintay na marami pang mabiktima bago tayo kumilos.
Sa hirap ng buhay ngayon, huwag nating isawalang bahala ang anumang panloloko, gayung may malaki rin itong epekto sa ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments