Single ticketing system kontra pasaway na drayber
ni Ryan Sison - @Boses | December 1, 2022
Plano ng Land Transportation Office na magpatupad ng single ticketing system sa Metro Manila pagdating ng unang quarter ng 2023.
Ayon kay LTO chief Arthur Jay Tugade, mayroon nang memorandum circular ang LTO na ikokonsulta sa mga kasanggang ahensya at local government units (LGUs).
Ipinaliwanag din na sa ilalim ng single ticketing system, magkakaroon ng iisang depinisyon ng mga traffic violation, gayundin ay gagamit ng iisang penalty system sa lahat ng lungsod.
Layon umano ng single ticketing system na magbigay ng iisang implementasyon ng road traffic rules at maayos sa sitwasyon ng trapik sa NCR.
Samantala, binigyang-diin ni Tugade na sa pamamagitan ng bagong common demerit point system, mamo-monitor ang performance ng mga drayber, gayundin, ang prebilehiyo ng pagmamaneho ay para lamang umano sa mga responsableng drayber.
Nilinaw din na hindi umano layunin na pataasin ang penalty, bagkus ay nais nitong magkaroon ng parusa na magbibigay-babala upang hindi na ulitin ang paglabag.
Habang naniniwala tayong maganda ang layunin ng sistema, bago ang lahat, sana’y magkaunawaan ang mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng mga paalala, babala at parusa, hindi maitatangging napakarami pa ring pasaway na drayber, na nagiging dahilan din ng iba pang problema sa kalsada, partikular ang malalang trapik.
Hindi naman natin nilalahat, pero marami sa kanila ang walang disiplina at kahit alam ang batas-trapiko, sige pa rin sa paglabag. Ang katwiran, kaya namang bayaran ang multa, bagay na nakasanayan ng ilan kaya sa halip na magtanda ay umuulit pa sa paglabag. Kaya naman ang tawag sa kanila, “kamote” drivers.
Sa totoo lang, nakadidismaya ang ganitong nakasanayan dahil tila walang kadala-dala ang mga traffic violators.
Kung magkakaroon ng iisang sistema pagdating sa pagbibigay ng ticket sa mga lumalabag, batid nating makakatulong ito sa pagtukoy at pagpapataw ng parusa sa mga pasaway na drayber.
Ang pagmamaneho ay responsibilidad at hindi prebilehiyo, kaya naniniwala tayo na ang mga may disiplina at matitinong drayber lamang ang may “K” na magmaneho.
Dapat magsilbing mabuting ehemplo ang bawat isa at hindi sakit ng ulo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments