Single mom, nakatakdang ikasal sa lalaking maskulado sa taong 2026
- BULGAR
- Aug 1, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 1, 2023

KATANUNGAN
Malungkot ang nangyari sa aking love life dahil noong biyayaan kami ng live-in-partner ko ng isang supling, iniwan niya agad ako at sumama sa ibang babae na mas bata sa akin. Ano ba ang guhit ng palad ko, Maestro? Babalik pa kaya ang ex-live-in partner ko?
Kung hindi na siya babalik sa edad ko bang 29, magkaka-boyfriend o makapag-asawa pa kaya akong muli?
At kung makakapag-asawa akong muli, magiging panghabambuhay na kaya ang papasukin naming pag-aasawa?
KASAGUTAN
Kung nabigo at lumuha ka man sa unang pakikipagrelasyon, masasabing sa ikalawang pakikipagrelasyon ay papalarin ka na. Sapagkat, kapansin-pansing pumangit ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) subalit sadyang maganda at maayos naman ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na bagamat nagkamali ka ng lalaking minahal sa unang pakikipagrelasyon dahil matapos kang anakan ay iniwan ka na lang sa kangkungan at sumama sa ibang babae. Huwag kang malungkot at ‘wag kang mawalan ng pag-asa, dahil sa ikalawang pagkakataon, at sa iyong muling pakikipagrelasyon sa isang lalaking may kayumanggi ang kulay ng balat at medyo maskulado ang pangangatawan, tunay ngang susuwertehin at pagpapalain ka na ng langit na madali naman kinumpirma at pinatunayan ng magulong lagda sa simula at gitnang bahagi ngunit unti-unti namang naayos at gumanda sa gitna hanggang sa dulong bahagi.
Ibig sabihin, mula sa edad mong 29 pataas, ganap at tunay na ngang magbabago at gaganda ang kapalaran mo. Sa partikular lalo na sa pag-ibig at pakikipagrelasyon lalo na't kung mula ngayon ay uugaliin mo nang magsuot ng mapalad mong kulay na berde at dilaw.
Kapag ginawa mo ‘yan. Tulad ng nasabi na, sa nasabing kulay hindi ka lang sa love life susuwertehin kundi sa halos lahat ng aspeto ng iyong buhay kagaya ng tungkol sa pananalapi, ganundin sa pag-ibig at sa materyal na bagay.
MGA DAPAT GAWIN
Eva Marie, bagamat noong mga nagdaang panahon ay nalilito ka sa iyong kapalaran at sa magiging kapalaran ng kaisa-isa mong anak, matapos iwan ka ng dati mong live-in-partner, manalig ka, mala-dramatikong magbabago ang iyong kapalaran, sa pagdating ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Aries.
Ayon sa iyong mga datos sa piling ng nabanggit na lalaki na siya na ring itatalang ikalawang pag-ibig at ikalawang pakikipagrelasyon mo, kahit sabihin pang single mom ka, pakakasalan ka pa rin niya at ang nasabing pag-iisang dibdib ay tuluy-tuloy na ring hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2026, sa edad mong 32 pataas.







Comments