Sinamantala habang malamig… JANINE AT JC, NAG-BONDING SA TAGAYTAY

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | February 4, 2021

Nasa GMA-7 pa lang pala noon si Janine Gutierrez ay isa na sa bucket list niya ang makatrabaho si JC Santos na taga-ABS-CBN.
Mahilig manood ng pelikula si Janine kaya halos lahat ng artista ay kilala niya at hindi rin naman niya itinangging gusto niyang makatrabaho lahat ang mga bida sa mga pelikulang napapanood niya.
Isa pang pangarap ng dalaga ay makagawa ng pelikula sa TBA Studios na producer ng award-winning movies tulad ng Birdshot, Sunday Beauty Queen, Women of the Weeping River, Heneral Luna, Bonifacio: Ang Unang Pangulo, I’m Drunk, I Love You, Write About Love, Bliss at marami pang iba.
Sabi ni Janine, “I got a text and all it said was a movie with JP Habac (direktor) and JC Santos under TBA Studios.
“‘Yung tatlong ‘yun, lahat, nasa bucket list ko. Sabi ko, 'Yes, please.' True enough, when I read the script, ang ganda ng pagkasulat.”
Panahon ng pandemya nu’ng nakaraang taon nang i-shoot nina Janine at JC kasama sina Victor Anastacio (O-shopping host), Yesh Burce at Lotlot de Leon ang Dito at Doon na sakto ang kuwento dahil tungkol sa dalawang taong nagkakilala sa online dahil sa pandemic.
Isang naghahanap ng trabaho na hindi pa nakaranas magka-boyfriend ang karakter ni Janine sa Dito at Doon at isang delivery boy naman si JC.
Masaya si Janine sa piling ng boyfriend niyang si Rayver Cruz kaya kailangan niyang mag-interbyu ng mga kaibigan niyang wala pang dyowa.
“Ang peg ko, ‘yung mga kabarkada ko na no boyfriend since birth, in-interview ko sila. Katatanong ko lang din actually sa Instagram, ‘Lahat ng no jowa since birth, bakit?’
Nakakatuwa ‘yung answers kasi ang daming different answers. ‘Yung iba, priority ‘yung school or ‘yung iba, hindi lang daw talaga ligawin. Iba-iba siya for everyone,” kuwento ng aktres.
Anyway, out of town locked-in shoot ang Dito at Doon kaya nanibago si Janine dahil bukod sa ipinatutupad na health protocols ng IATF ay ilang buwan din siya bago humarap muli sa camera.
“The first two days, I felt like I didn’t know what I was doing. Kasi I hadn’t done a shoot in like six months or eight months. This was my first project since the lockdown.
“When I got back, it felt like your first day in high school where you don’t know if you’re doing the right thing. Hindi ko alam kung marunong pa akong mag-memorize ng linya. It was really an adjustment period. But after mga two or three days, sobrang na-enjoy ko na. I was so grateful to be there,” pahayag ng dalaga.
At dahil 12 oras lang ang shoot nina Janine at JC ay may panahon pa sila na mag-bonding o magkuwentuhan habang nilalabanan ang super-lamig na klima sa Tagaytay at nagulat ang lahat dahil napaka-down-to-earth pala ng dalaga, as in one of the boys.
Anyway, mapapanood na ang Dito at Doon sa mga sinehan at sa virtual mediacon, ia-announce kung anong petsa sa Marso ito ipapalabas mula sa TBA Studios at sa direksiyon ni JP Habac.





Comments