top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

SIM registration, walang extension!

BULGAR
Jan 14, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 14, 2023


Alinsunod sa itinakdang deadline para sa SIM registration, walang plano ang Department of Information and Communications Technology (DICT), na palawigin ang deadline ng pagpaparehistro ng SIM.


Katwiran ni Usec. Anna Mae Lamentillo, mababa ang bilang ng mga reklamo at nagpapatuloy ang information campaign at tiwala ito na masosolusyunan ang mga naturang reklamo.


Nabatid na ang Inter-Agency Response Center (IARC) ay nakatanggap ng 1,263 reklamo hinggil sa SIM registration mula noong Disyembre 27, 2022 at karamihan sa mga ito ay tungkol sa proseso ng pagpaparehistro, gayundin ang pagbagsak ng website ng telcos.


Gayunman, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), patuloy na pinagbubuti ng telcos ang kanilang sistema upang mabawasan ang mga aberya.


Samantala, naniniwala naman ang NTC na hindi kailangan pang palawigin ang SIM card registration sa bansa dahil kumpiyansa silang matatapos ng mga telecommunication companies ang pagrerehistro sa halos 169 milyong SIM cards hanggang sa deadline nito na Abril 26.


Matatandaang alinsunod sa itinakda ng batas, mayroon lamang 180-araw ang mga telcos upang irehistro ang mga SIM cards mula noong Disyembre 27, 2022.


Ilang araw nang magsimula ang SIM registration, may ilang nakaranas ng isyu, na naging dahilan para ipagpaliban ang pagpaparehistro, habang may ilan namang nakalusot.


Kung hindi na palalawigin ang pagpaparehistro, dapat ay puspusan ang pagtugon sa mga isyu at pagbibigay-impormasyon sa mga SIM user hinggil sa kahalagahan ng batas.


Umaasa tayong natutugunan ang mga isyu at nagagabayan nang tama ng mga dapat magparehistro upang magtiwala ang taumbayan sa batas.


Sa kabilang banda, sapat naman siguro ang mga paalala at itinakdang deadline ng kinauukulan, kaya para sa mga mabibigong magparehistro, pasensyahan na lang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page