Sign na tuluy-tuloy nang giginhawa ang buhay
- BULGAR
- Sep 28, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | September 28, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Yasser ng Batangas
Dear Maestra,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan d’yan sa Bulgar.
Napanaginipan ko na nagkakagulo ang mga tao rito dahil sa Bulkang Taal, usap-usapang nagbabanta umano itong pumutok.
Kung kaya’t napagdesisyunan ko na sumakay ng wagon para makalayu-layo sa lugar na iyon.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Yasser
Sa iyo, Yasser,
Hindi maganda ang ipinahihiwatig kung napanaginipan mo ang Bulkang Taal. Ang ibig sabihin nito ay may binabalak kang hindi maganda para sa ikakaangat ng iyong pangalan. May pinaplano ka laban sa kaibigan mo na mas nakakahigit sa iyo. Pero, hindi ka magtatagumpay dahil agad ka nilang mabibisto. Matutunugan nila ang iyong pinaplano. Samantala, ang sumakay ka sa wagon para umiwas sa lugar na kung saan nagkakagulo ang mga tao sa banta ng Bulkang Taal, ay depende kung ikaw ba mismo ang may-ari ng wagon o hindi.
Kung ang wagon ay hindi sa iyo, ito ay babala ng kalungkutan. May problemang darating sa iyong buhay na labis mong ikakalungkot.
Kung ikaw mismo ang may-ari ng wagon na sinakyan mo, ito ay nangangahulugang aangat na ang iyong buhay. Mapo-promote ka sa pinapasukan mong trabaho ngayon at tuluy-tuloy na giginhawa ang buhay mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments