Sign na susuwertehin sa negosyo o trabaho
- BULGAR
- Jun 17, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 17, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Baby ng Makati.
Dear Maestra,
Binabati ko kayong lahat d’yan ng isang mapagpala at mapayapang araw. Nawa ay ligtas kayong lahat at nasa mabuting kalagayan.
Gusto kong isangguni ang panaginip ng dalawa kong pamangkin na nasa America. Nababahala kasi sila at hindi makatulog dahil napanaginipan nila ang anak ko na nandito sa Pilipinas. Masama ang paniginip nila tungkol sa aking anak. ‘Yung isa kong pamangkin, napanaginipan niya na ikot nang ikot sa kusina ng luma naming bahay. Nang bumaba siya sa hagdan, nakita niya na nasa kabaong ang anak ko.
‘Yung isa ko pang pamangkin, napanaginipan niya ang anak ko na nasa kuwarto niya, hirap na hirap siyang huminga at namumula ang mga mata. Nakaalalay ako at biglang dumating ‘yung anak kong nurse na may dalang oxygen. Nang mabigyan siya ng oxygen, biglang lumiwanag. Ano ang ibig sabihin ng panaginip na ito ng mga pamangkin ko?
Naghihintay,
Baby
Sa iyo, Baby,
Ang ibig sabihin ng panaginip ng pamangkin mo ay profitable return on investment o salary increase. Susuwertehin sa negosyo ang anak mo at kung siya naman ay nagtatrabaho sa kasalukuyan, madadagdagan ang kanyang suweldo. Ito rin ay nagpapahiwatig na hahaba pa ang buhay niya at hindi pa siya kukunin ni Lord. May gagampanan pa siya sa mundo.
Ang isa mo pang pamangkin na nanaginip tungkol din sa anak mo na hirap na hirap huminga, subalit naginhawaan nang dumating ang oxygen, ito ay nagpapahiwatig na huwag siyang masyadong isubsob sa trabaho.
Ito rin ay nangangahulugan ng hindi inaasahang grasya at pagpapala sa darating na mga araw. Magtatagumpay siya sa bagong negosyo na pinaplano niyang buksan dahil kikita ito ng malaki. ‘Yun nga lang, dapat alagaan ang kanyang kalusugan upang hindi siya magkasakit. May asawa na ba ang anak mo? Happy marriage and several gifted children din kasi ang ipinahihiwatig ng panaginip ng dalawa mong pamangkin tungkol sa iyong anak. Kaya sabihin mo sa mga kamag-anak mo sa abroad na huwag silang mag-alala. Sa halip, matuwa sila dahil kabaligtaran ng iniisip nila ang panaginip ng dalawa mong pamangkin. Bihira lamang sa panaginip ang nagkakatotoo. Karamihan ay kabaligtaran ang ibig sabihin. Nawa’y nasiyahan ka sa aking kasagutan. Hanggang dito na lang, pagpalain kayong lahat ng Diyos Amang Kataas-taasan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments