Sign na kailangan maging matatag para makamit ang kaginhawaan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 25, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosita ng Camarines Sur.
Dear Maestra,
Shout sa inyo r’yan sa Bulgar.
Napanaginipan ko na naligo ako sa batis malapit sa amin, pagkatapos ko maligo ay nagpalit agad ako ng damit at nilabhan ko ito sa batis.
May nakita rin akong damit at nilabhan ko ito kahit na hindi sa akin, nang biglang kumidlat na may kasamang ulan hanggang sa tuluyang bumagyo.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rosita
Sa iyo, Rosita,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naligo ka sa batis malapit sa inyo, ay labis kang nag-aalala sa mga problemang dinaranas mo ngayon, kahit hindi mo naman dapat ipag-alala dahil magkakaroon din ito ng kalutasan.
Ang nagbihis ka matapos kang maligo, nilabhan mo ang iyong damit at dinamay mong labhan ang damit na hindi naman sa iyo, ay nagpapahiwatig na patuloy kang magsasakripisyo hindi lang para sa sarili mo kundi para na rin sa ibang tao kabilang na ang iyong pamilya. Hindi ka dapat mawalan ng pag-asa dahil matatapos din ang paghihirap mo at mapapalitan din ito nang kaginhawahan balang araw.
Samantala, ang biglang kumidlat na may kasamang ulan hanggang sa tuluyan ng bumagyo, ito ay babala ng kamalasan. Maging matatag sa buhay. Alalahanin na ang buhay sa mundo ay sadyang ganyan. Minsan nasa ilalim, minsan nasa ibabaw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments