top of page

Sign na aasenso ang kabuhayan at babala na magiging abala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 8, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 08, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Roderick ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,

Nais kong ikonsulta sa inyo ang dahilan kung bakit paulit-ulit ang panaginip ko. Palagi kong napapanaginipan ang tungkol sa apoy. Nasa gubat ako, inabot ako ng dilim doon kaya nagsiga ako para magkaroon ng liwanag at hindi ginawin sa gitna ng gubat.

Noong isang gabi naman, napanaginipan ko na ginaw na ginaw ako kaya naisipan kong painitan ang mga kamay ko sa apoy. Tapos kagabi lang, napanaginipan kong nasusunog ang bahay namin. Ano ang ipinahihiwatig ng mga ito?


Naghihintay,

Roderick


Sa iyo, Roderick,

Isa-isahin natin ang mga panaginip mo. ‘Yung una ay maganda ang ipinahihiwatig dahil ito ay nangangahulugan ng pag-asenso sa buhay. Ibig sabihin, parating na ang magagandang pagkakataon sa buhay mo kaya samantalahin mo na ito. Kapag may dumating na oportunidad, sunggab agad at huwag ka nang magdalawang-isip.


Ang ikalawang panaginip mo na ginaw na ginaw ka at naisip mong painitan ang mga kamay mo sa apoy ay nangangahulugan na makakahanap ka ng magandang pagkakakitaan at aayon sa iyo ang kapalaran dahil susuwertehin ka na.


‘Yung huling panaginip mo naman na nasusunog ang bahay n’yo ay nagpapahiwatig na makararanas ka ng pagkabahala at pagiging aligaga sa mga gawain mo. Matataranta ka kung ano ang dapat unahin, subalit sa huli ay mailalagay mo rin sa ayos ang lahat.


Hinay-hinay lang sa pagkilos at huwag magmadaling yumaman. Tiyaga at sipag ang kailangan mong ipatupad at iwasang magpadalos-dalos. Magpakahinahon at panatilihin mo ang kababaan ng loob upang pagpalain ka ng tadhana.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page