Sigaw ng bashers, obyus na obyus… MARIAN, PINABORAN DAW SA SHOW NI DINGDONG, WAGI NG P200K
- BULGAR

- Jun 29
- 3 min read
ni Ambet Nabus @Let's See | June 29, 2025
Photo: Marian Rivera - Family Feud Stars On The Floor
‘Yun talaga ang nakilala nating Marian — makulit, tropang-tropa ang galawan, what you see is what you get at tsika nga ng marami sa salitang kalye ay ‘jologs’.
Sobrang nakakaaliw ang pakikipagharutan nito kay Papa Dingdong Dantes, na game na game rin naman sa kanyang mga hirit.
Siyempre, para sa mga bashers, malamang na may bias at pagkampi kay Yan ang asawa dahil ang grupo nga nito ang nanalo at nakapag-uwi pa ng P200,000. Kasama ni Marian sina Pokwang, Rodjun Cruz at Faith da Silva (na isa ring babaeng bakla gaya nina Yan at Pokwang), habang kalaban nila sina Alden Richards, Zeus Collins at dalawa pang kasama nila sa Stars On the Floor (SOTF).
Ang final answer na ‘ticket’ na sinabi ni Marian sa tanong tungkol sa bus ang nagpanalo sa team nila, kaya’t may mga nagsasabi na namang ‘pinaboran’ umano ito ni Papa Dong at ng show.
Hindi nga kami nagkamali na may mga bashers na namang nagduda dahil sinasabi nilang tila napaboran ang team ni Marian.
Nakakaloka, lahat na lang, pinansin, imbes na maging masaya na lang. Hahaha!
SA isang umpukan naman ng mga nakakapanood ng advanced episodes ng Incognito sa Netflix na pinagbibidahan nina Daniel Padilla et al., hindi maiiwasang pag-usapan ang mga dramatic scenes ng mga bida.
Partikular ngang topic ‘yung mga drama scenes ng bawat bida nu’ng namatay na sa eksena ang mga mahal nila sa buhay.
Komento ng ilan, “Ang lalim na talaga ni DJ (Daniel) umarte bilang aktor. ‘Yung bilugan niyang mga mata, very expressive. Feel na feel mo talaga na kapatid niya si Louise (Abuel) na grabe n’yang iniyakan nu’ng mamatay.”
Subalit nang mapag-usapan ang eksena ni Anthony Jennings nang iniyakan naman nito ang mga napatay na karakter nina Bembol Roco at Matt Evans, ito naman ang sinabi ng mga nakapanood, “Ang husay, ibang klaseng artista. ‘Yung tipong walang pakialam kung tumutulo na ang uhog sa pag-iyak at kitang-kita na ang ngala-ngala sa pag-atungal. Naiiba sa kanilang lahat.”
Sumunod nga raw kina DJ at Anthony ang husay ni Maris Racal na kahit walang luha sa kaiiyak ay mararamdaman mo ang pag-iyak nito sa napatay na tatay niyang si Joel Torre.
Then, si Kaila Estrada na ‘mata-mata’ rin ang galing habang pilit na kumakawala sa mga nagpipigil ditong malapitan ang mga nanay niyang sina Ana Abad Santos at Sharmaine Suarez na napatay din.
Maikli man kumpara raw sa mga babad moment ng mga nabanggit ang eksenang iniyakan din ni Richard Gutierrez ang napatay din niyang ama sa series na si Tito Eddie Gutierrez, “May hugot at lalim din. Magaling nang gumamit ng mata si Chard,” sey ng mga nagkumpa-kumpara sa husay ng mga naturang bida sa Incognito.
Oh, ‘di ba, hindi lang sila mahuhusay sa action dahil palaban din silang lahat maging sa drama.
PARA naman sa espesyal na anibersaryo ng I Juander (IJ) ngayong Linggo (Hunyo 29), aalamin nito ang mga dahilan kung bakit binabalik-balikan ng mga Pilipino ang Hong Kong.
Mula sa mga nakamamanghang natural wonders hanggang sa mga hindi malilimutang food trip at pagbabalik-tanaw sa nakaraan, samahan ang mga hosts ng IJ na sina Susan Enriquez at Empoy Marquez sa kanilang adventure sa Hong Kong.
“Back Garden of Hong Kong” kung tawagin ang Sai Kung District dahil sa mala-paraiso nitong mga isla at dalampasigan. Pero ang isa raw talaga sa mga dinarayo rito, ang mga nakamamanghang rock formation sa mga isla. Kaya naman sina Susan at Empoy mismo ang dumayo para mag-island tour dito.
Pagkatapos bumaybay sa naggagandahang isla, ang next stop naman nila ay food trip.
At sa bawat biyahe, bawal umuwi nang walang selfie. Kaya ang Tsinoy photographer at architect na si Ace, inililibot ang mga turista sa iba’t ibang IG-worthy spots para sa kanilang inaasam na turista pose.
So, bakit nga ba paboritong dayuhin ng mga Pinoy ang Hong Kong? Samahan sina Susan at Empoy sa anniversary special na ito ng I Juander ngayong Linggo, 8 PM sa GTV.










Comments