Sibakin ang mga pilosopong sina DA Deputy Spokesman Estoperez at DTI Usec. Castelo
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | December 30, 2022
HIRIT NG DA: TINGI ANG BILHING SIBUYAS, 'WAG PER KILO—Dahil sobrang mahal ang presyo ng kilo ng sibuyas, na pumalo sa P600 hanggang P700/kl ay humirit si DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez sa publiko na tingian ang bilhin at huwag per kilo.
'Yan ang deputy spokesman ng DA, imbes na gumawa ng paraan kung paano mapapababa ang presyo ng per kilo ng sibuyas ay pinipilosopo pa ang mamamayan.
◘◘◘
DA DEPUTY SPOKESMAN ESTOPEREZ AT DTI USEC. CASTELO, PAREHONG PILOSOPO—Ang ugali ni DA Deputy Spokesman Rex Estoperez ay walang pagkakaiba kay DTI Usec. Ruth Castelo, pareho silang pilosopo.
Dahil sa pagsirit ng inflation rate, prinoblema ng mamamayan ang budget panghanda noong Pasko, eh, mantakin ninyong humirit si Usec. Castelo, na kung namamahalan sa presyo ng mga bilihin ay magtipid na lang at pagkasyahin ang P500 panghanda sa Noche Buena.
Dapat kina DA Deputy Spokesman Estoperez at DTI Usec. Castelo ay sibakin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. dahil sa totoo lang ay hindi nakatutulong ang dalawang opisyal, nadadamay kasi ang administrasyon sa pamba-bash ng netizens sa dalawang opisyal.
◘◘◘
MATAAS ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN KAYA MALAKI TALAGA ANG KOLEKSYON NG TAX—Ibinida ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mataas na koleksyon ng buwis.
Pambihira, dapat pa bang i-memorize 'yan?
Sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, natural na tataas din ang tax na binabayaran ng mamamayan at dahil mataas ang buwis na nakapataw sa mga bilihin at bayarin, siyempre ay malaki rin ang tax na mapupunta sa pamahalaan.
Ibig sabihin, taxpayers ang nagdurusa sa mataas na tax collection ng BIR.
◘◘◘
KAPAG KINASUHAN AT IKINULONG ANG AGRI-SMUGGLERS, TIYAK NA BABABA ANG PRESYO NG SIBUYAS—Sabi ni Luche Cena ng Valiant Cooperative na nakabase sa Nueva Ecija, na kaya ubod ng mahal ang presyo ng per kilo ng sibuyas ay dahil walang aksyon ang gobyerno laban sa mga agri-smugglers na nagho-hoard ng sibuyas.
Kaya kung nais ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng sibuyas, simple lang ang dapat gawin at ito ay kasuhan at ikulong ang mga agri-smugglers na sina "Leah Cruz",."Michael Yang", "David Bangayan", "Paul Teves," "Manuel Tan ", "Andrew Chang" at "Jun Diamante".





Comments