top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Sibak at kulong sa sekyung nambulsa ng relo ng turista sa NAIA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 3, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 3, 2023


Dala ba ng pangangailangan o kagustuhan talagang magnakaw?

Isang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ang dinakip ng mga awtoridad matapos umanong maaktuhan ang pagkuha ng relo sa isang pasaherong Chinese patungong Hong Kong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Miyerkules.


Ayon sa OTS, inilagay ng Chinese tourist ang kanyang relo at iba pang gamit sa tray, subalit hindi nito napansin na pinatungan ng security screening officer (SSO) ng isa pang tray ang naiwang relo.


Sinabi ni OTS Administrator Mao Aplasca, para hindi makita ng banyaga kaya pinatungan ng isa pang tray, saka inalis ang tray at doon na kinuha ang relo, kung saan nakita sa CCTV na ibinulsa ng SSO ang wristwatch ng Chinese.


Nauna rito, mayroon nang sinibak ang OTS na 5 tauhan na sangkot naman sa isang viral video ng pangunguha umano ng pera sa dayuhan sa NAIA Terminal 2.


Bilang solusyon at upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari, nagdagdag na ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng mga CCTV sa naturang lugar.


Nagtalaga na rin ng mga bagong SSO na nakapuwesto sa transiting area ng Terminal 2

matapos sibakin ang mga sangkot na officer.


Ginawa naman ng MIAA na maging transparent ang mga salamin sa security checkpoint para paglabas ng bag ng mga pasahero ay kitang-kita agad nila ito.


Ayon pa sa OTS, sisikapin nila at gagawin ang lahat para hindi na maulit pa ang katulad na insidente. Samantala, nasa kustodiya na ng PNP-AVSEGROUP ang SSO na suspek para sa karagdagang imbestigasyon.


Mahirap talaga kapag umiral na sa isang indibidwal ang matinding pagnanasa sa pera at mamahaling gamit ng kanyang kapwa. Walang patumanggang kukuhanin ang bagay na hindi kanya kahit pa may posibleng makakita o huling-huli na sa camera. Hindi rin pansin na kahit may tungkulin o opisyal ito basta mapasakamay lamang ang kanyang ninanais.


Isipin sana nating mabuti na masamang gawain ang pagnanakaw dahil tiyak na kalaboso ang iyong kahahantungan kapag nahuli.


Hindi ba mas maganda kung ang ipakakain natin sa ating pamilya at pagsasaluhan sa mesa ay manggaling sa ating mga pinagpaguran.


Isa pa rito, mali na gawan ng hindi mabuti ang mga dayuhan dahil lalabas na masama ang magiging imahe nating mga Pinoy sa mga banyaga.


Sa kinauukulan, pagbutihin niyo pa ang pagbabantay sa mga gumagalang kawatan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page