top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Siakam, Bogdanovic at Russel, nagbaga ang laro

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 7, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 7, 2021





Uminit si Kyle Lowry para sa 11 puntos sa huling limang minuto upang maging susi sa tagumpay ng bisitang Toronto Raptors sa Brooklyn Nets, 123-117, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Barclays Center. Mag-isang inagaw ni Lowry ang lamang at pinalayo ang Raptors, 114-110, at umakyat sa kartadang 10-12 panalo-talo.


Namuno sa Raptors si Pascal Siakam na may 33 puntos at 11 rebound habang nagtapos na may 30 si Lowry. Nagulantang ang Nets (14-10) matapos palabasin sa gitna ng third quarter si Kevin Durant dahil sa health protocol at hindi sigurado kung lalaro ngayong araw laban sa Philadelphia 76ers (16-7).


Tatlong sunod-sunod na panalo na ang numero unong koponan Utah Jazz matapos pisain ang Charlotte Hornets, 138-121, at kartadang 18-5. Walang nakapigil sa mga mainit na kamay nina Bojan Bogdanovic na may 31 puntos at Donovan Mitchell na may 30 puntos sa pinagsamang 12 tres.


Ipinasok ni D’Angelo Russell ang tres na may 3.7 segundo sa orasan upang ibigay sa Minnesota Timberwolves ang mahigpit na 106-103 na panalo sa Oklahoma City Thunder. Nagtapos si Russell na may 21 puntos habang nanguna sa Timberwolves (6-16) si Malik Beasley na may 24 puntos galing sa anim na tres.


Binuhat ni Giannis Antetokounmpo ang Milwaukee Bucks sa isa pang panalo kontra sa Cleveland Cavaliers, 123-105. Nagtrabaho ang MVP ng liga para sa 33 puntos at 12 rebound at nag-ambag ng 17 puntos si Jrue Holiday.


Sinayang ng New Orleans Pelicans ang 18 puntos na lamang sa third quarter at kumapit upang makatakas sa kinapos na Indiana Pacers, 114-113. Bumida sa Pelicans (9-12) sina Brandon Ingram na may 30 puntos at Lonzo Ball na may 20 puntos.


Isinalba ang Orlando Magic ng mga free throw nina Nikola Vucevic, Evan Fournier at rookie Cole Anthony sa huling minuto upang mapigil ang bulusok ng Chicago Bulls, 123-119. Halimaw ang numero ni Vucevic na 43 puntos at 19 rebounds at sinundan ni Fournier na may 20 puntos. Tinambakan ng Miami Heat ang Washington Wizards, 122-95. Nanguna sa Heat (8-14) sina Kendrick Nunn na may 25 puntos at Bam Adebayo na may 21 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page