Si Duterte ang ‘weak leader’, hindi si P-BBM
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 15, 2022
MAY ‘BALLS’ SI P-BBM NA IPAGLABAN ANG WPS SA CHINA—Sinabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Chinese Premier Li Keqiang at iba pang opisyal ng China na kilalanin ang desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS).
Mabuti pa si P-BBM, may “balls” sabihan ang mga Chinese officials na pag-aari ng Pilipinas ang WPS, pero si dating Pangulong Rodrigo Duterte, “wa’ balls” dahil sa nakalipas na anim na taon nito sa Malacañang ay takot ang ipinakita nito sa China sa pananakop na ginawa sa karagatang sakop ng ating bansa.
◘◘◘
HINDI ‘WEAK LEADER’ SI P-BBM—Ang ipinakita ni P-BBM na paninindigang ipaglaban ang WPS laban sa China ay pagpapatunay na mali ang atake noon ni ex-P-Duterte kay P-BBM na “weak leader” ito. Dahil naninindigan si P-BBM na sa Pilipinas ang WPS at dedma lang sa isyu ang dating pangulo, kaya’t lumalabas na si ex-P-Duterte ang tunay na “weak leader” at hindi si P-BBM.
◘◘◘
AYAW NI SARA MAGING IKALAWANG MAGULANG NG MGA ESTUDYANTE ANG KANILANG TITSER—Hindi pa rin binabawi ni Vice-Pres., DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio ang kanyang kautusan na nagbabawal sa mga guro na makipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa labas ng eskuwelahan.
Karamihan sa mga estudyante noon, itinuturing na ikalawang magulang ang kanilang mga guro, pero mukhang mababago na ito ngayon dahil sa kautusan ni VP, DepEd Sec. Sara na hindi puwedeng makipag-ugnayan o makipagkaibigan ang estudyante sa kanilang mga guro sa labas ng classroom, maging sa social media.
◘◘◘
KAPAG PINAL NA ANG DESISYON NG COMELEC NA DISQUALIFY NA SI GOV. ROSAL, MAI-STOP NA ANG STL-CON JUETENG SA ALBAY—Noong si dating Gov. Al Francis Bichara pa ang gobernador ng Albay ay pina-stop nito ang operasyon ng Small-Town Lottery (STL) sa lalawigan, pero nang si Noel Rosal na ang nanungkulan na governor ay nagbalik ang operasyon ng illegal gambling ni “Ka Glenn”.
May pag-asa pa naman ang mamamayan ng Albay na mapa-stop ang raket ni “Ka Glenn” at ito ay kung magiging pinal na ang desisyon ng Comelec na nagdidiskuwalipika kay Rosal dahil sa paglabag sa election code nang mamigay ng cash assistance sa mga senior citizens at tricycle drivers noong campaign period.
‘Ika nga, kapag wala na sa poder si Rosal, at si Bichara ang ideklara ng Comelec na nagwaging governor, tiyak na stop na ulit ang raket na STL-con-jueteng sa Albay.





Comments