top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

‘Shoe removal policy’ sa NAIA, para sa seguridad ng mga pasahero

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 17, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 17, 2023


Magpapatupad ang Office of Transportation Security (OTS) ng mandatoryong ‘shoe removal policy’ bago pumasok sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lahat ng international departing passengers.


Ayon kay OTS spokesperson Kim Marquez, ang mandatoryong “shoe removal policy” na muling binuhay noong Hulyo 10, ay bahagi ng pinahusay na security arrangement sa lahat ng NAIA terminals.


Ang global policy ay nagsimula noong Disyembre 2001, kasunod ng pagtatangka ng isang terorista na magpasabog ng isang homemade bomb na nakatago sa kanyang sapatos habang siya ay sakay ng American Airlines flight mula Paris papuntang Miami.


Giit pa ni Marquez, noong Disyembre 1, 2022, lahat maliban sa isang security X-ray machine sa NAIA Terminal 1 ay inalis upang bigyan ng sapat na espasyo ang mga departing travelers at ang kanilang mga bagahe sa panahon ng mga security check.


Gayunman, sa pamamagitan ng pag-alis ng ilan sa mga X-ray machine, tinutugunan ng OTS ang mga alalahanin mula sa ilang mga manlalakbay, gaya ng ipinaalam ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa mahigpit na pagsusuri sa seguridad sa NAIA.


Ipinahayag ng pamunuan ng MIAA na dapat gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang stress para sa mga darating at papaalis na mga pasahero nang hindi nakumpromiso ang seguridad sa mga internasyonal na paliparan ng bansa.


Samantala, ang mga ipinagbabawal na materyales ay kukumpiskahin mismo sa mga check-in counter upang maiwasan at mabawasan ang pagkaantala sa pagproseso ng mga travel paper.


Marahil, ang pagpapatupad ng shoe removal policy sa NAIA ay para na rin sa ating ikabubuti.


Matagal na itong ginagawa at wala namang naging problema, kahit sa ibang bansa ay ginagawa na ito.


Mainam din ang kanilang naisip na ibalik ang pagsasagawa nito dahil sa nagkalat na ang mga masasamang loob na maaaring maka-penetrate sa ating mga paliparan.


Sana, makapag-isip ang gobyerno ng iba pang paraan para mas mapabuti ang seguridad sa mga paliparan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page