top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Shared Service Facilities, malaking tulong sa pagpapalawak ng negosyo ng MSMEs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 27, 2023
  • 2 min read

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 27, 2023


Nitong nakaraang araw, pumasa na sa third and final reading ng Senado ang ating panukalang-batas na naglalayong gawing institutionalized ang proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na Shared Service Facilities. Ang proyektong ito ang tutulong sa mga nagsisimulang negosyo, ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa kanilang paglawak at pag-unlad.


Ako’y nagpapasalamat at nagpupuri sa ating magigiting na kasamahang senador sa kanilang mabilis na pag-aksyon sa ating panukalang Senate Bill 2021. Ito ay bilang pag-amyenda sa RA 6977 o Magna Carta for Small Enterprises. Sakaling tuluyang maging batas, taun-taon na mapopondohan ang SSFs sa ilalim ng General Appropriations Act, kung saan libu-libong MSMEs sa buong kapuluan ang siguradong makikinabang.


May mga pagkakataon kasi na hindi napaglalaanan ng pondo ang SSFs, kaya sa pamamagitan ng panukala natin, magiging regular na ang pondo nila. Malaki ang naitutulong ng mga SSFs sa maliliit na negosyo na hindi kayang gumastos para bumili ng mga kagamitan tulad ng mga makina upang mapalago ang kanilang operasyon. Kaya dapat lang na siguraduhin natin na tuluy-tuloy ang implementasyon nito. Kung may pondo ang SSFs, may kakayahan na ang MSMEs na magkaroon at makagamit ng mga makinarya at iba’t ibang kagamitang magpapabilis sa kanilang trabaho at magpapalago ng kanilang produksyon. Ang mga equipment na ito ay kinabibilangan ng mga makina o ‘yung mas hi-tech, ‘ika nga, tulad ng 3D printers na nasa pangangalaga ng SSF fabrication laboratories (FabLabs) na maaaring upahan ng MSMEs sa maliit na halaga.


Kailangan nila ito para mas magkaroon ng dating ang mga produkto nila.


Sa ilalim ng ating bill, isang SSF Fab Lab ang itatayo sa bawat probinsya at kailangang nakapuwesto ito sa strategic locations – ‘yung mga lugar na kinaroroonan ng MSMEs para maging accessible sa kanila. Binibigyang-diin natin na prayoridad sa proyektong ito ang mga probinsyang wala pang Fab Labs para naman magamit rin nila ang mga kinakailangang makinarya.


Unang naging aktibo ang mga FabLab noong kasagsagan ng pandemya. Ang mga makinarya nila ang ginamit sa produksyon ng mga face shield, face mask, medical gowns, aerosol boxes at ethyl alcohol. Napakalakas ng kanilang operasyon noong mga panahong ‘yun dahil hindi lang dito sa atin lumakas ang demand kundi napalakas din ang importasyon natin ng mga nasabi nating pandemic supplies.


Ang napakahalaga ngayon, matulungan nating lumago ang MSMEs – maisulong natin sila sa pag-unlad at paglaki. At ang pinakamalaking maitutulong ng gobyerno ay gawing institutionalized and SSF project. Dahil isa sa adbokasiya natin na maisulong ang mga produktong Pinoy sa ilalim ng ating Tatak Pinoy (Proudly Filipino) advocacy, gagawin natin ang lahat ng makakaya natin para matulungan ang malililit nating industriya na maparami ang kanilang produksyon, lalo na sa mga complex and sophisticated products. Liban sa mas magiging competitive sila, sigurado pang makalilikha tayo ng maraming trabaho na may maayos na pasuweldo.


‘Yan ang pangunahin nating layunin sa panukalang ito at sa pagsusulong natin ng ating Tatak Pinoy advocacy.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page