- BULGAR
Shandong Taishan, pinasuko ang Kaya FC Iloilo sa AFC
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 21, 2023

Lumaban ng sabayan ang Kaya FC Iloilo bago isuko ang 3-1 desisyon sa bisitang Shandong Taishan Martes ng gabi sa makasaysayang pinakaunang opisyal na laro ng AFC Champions League sa Pilipinas. Nanatiling matatag ang Kaya, ang kampeon ng Philippines Football League (PFL), at nagtapos na walang goal ang first half subalit iba ang usapan pagdating ng second half at nanaig ang kalidad ng kalaro.
Biglang gumuho ang Kaya makalipas ang mahigit isang oras ng mainitang aksiyon at pinatawan si Ricardo Sendra ng penalty matapos niyang patirin si Moises malapit sa goal. Walang kabang ipinasok ng Brazilian ang penalty kick at nabahiran ang mahusay na ipinapakita hanggang sa puntong iyon ni Kaya goalkeeper Quincy Kammeraad.
Dumoble ang lamang sa ika-71 minuto nang lusutan ng isa pang Brazilian import na si Matheus Pato ang depensa para maging 2-0. Pumalag pa rin ang Kaya at bumawi si Sendra at ipinasa ang bola sa tumatakbong si Jarvey Gayoso para lumapit sa ika-80 minuto, 1-2.
Subalit gabi talaga ng Shandong at sa gitna ng kalituhan habang nagpapalit ng manlalaro ang Kaya ay naisingit ni Cryzan ang pandiin na goal sa ika-96. May isang pagkakataon pa ang Kaya na bawasan ang agwat ngunit matagumpay na naharang ng depensa ang huling sipa ni Sendra at pumito na ang reperi.
Kahit bigo, ipinagmalaki pa rin ni Coach Colum Curtis ang kanyang koponan at nakita niya ang trinabaho nila sa nakalipas na anim na linggo. Para kay Coach Choi Kang Hee ng Shandong, sinita niya ang ulan at basang lupa para sa kanilang mabagal na simula pero nasanay na sila sa paglipas ng laro.
Lalakbay ang Kaya para harapin ang Incheon United ng Timog Korea sa Oktubre 3 at Yokohama F Marinos ng Japan sa 25. Ang susunod na laro nila sa Rizal Memorial ay kontra Yokohoma sa Nobyembre 7.