Sexual abuse sa mga paslit, palala nang palala
ni Ryan Sison @Boses | April 17, 2023
Nakakaalarma na ang mga kaso ng panggagahasa at karahasan sa mga bata na naganap nito lamang buwan, na ang tinatarget ay may edad 10 o mas bata pa.
Ito ang mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) na dahil sa isang serye ng mga kaganapan ay nagbunsod sa kanilang regional offices na magsagawa ng independent investigations hinggil dito at magbigay ng suporta sa pamilya ng mga biktima.
Sa isang pahayag ng komisyon, nakapagtala sila ng apat na batang babae na naging biktima ng sexual abuse, panghahalay at karahasan, habang ang ilan sa kanila ay pumanaw na.
Kabilang dito ay ang kaso ng 7 taong gulang na babae mula sa Bgy. Cabuco, Trece Martires, Cavite, noong Abril 7, 2023, ang 10-anyos na batang babae na mula sa Davao City, noong Abril 9, 2023, ang 3 taong gulang na batang babae na mula sa Sto. Tomas, Batangas, noong Abril 9, 2023 at ang 6-anyos na batang babae na mula sa Mabalacat, Pampanga, noong Abril 11, 2023.
Una nang naalarma ang CHR sa ilang serye ng sexual assault dahil karamihan sa mga salarin ay mismong miyembro ng kanilang pamilya o kakilala.
Ayon sa CHR, ang mga ganitong gawain ay paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation at Discrimination Act, kaakibat ang paglabag sa international human rights instruments gaya ng Convention on the Rights of the Child.
Binigyang-diin pa ng komisyon na walang makapagbibigay-katwiran sa panggagahasa at anumang uri ng sexual abuse laban sa mga bata. Anuman ang motibo at substansya o impluwensya ng alkohol, ang isang tao ay dapat na ganap na managot sa pananakit at pang-aabuso sa ibang tao.
Mabigat na usapin ang nangyayari sa mga batang babae na nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso, na ang iba pa sa kanila ay nagresulta sa pagkamatay.
Mas masaklap ito sa mga magulang at pamilya ng mga batang biktima dahil hindi nila man lang nasagip ang kanilang mga anak sa tiyak na kapahamakan.
Sa halip na lumalaki at namumuhay silang masaya at nag-aaral, nauwi lamang ang lahat ng kanilang mga pangarap sa wala.
Marahil, dapat na tutukang mabuti ng kinauukulan ang ganitong uri ng mga kaso.
Bigyan niyo sana ng malalim na atensyon upang hindi na dumami pa ang maging biktima ng pang-aabuso.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments