Serbisyo ng mga expressway, dapat walang aberya ngayong Kapaskuhan
ni Ryan Sison - @Boses | November 19, 2022
Naabala ang maraming motorista matapos magkaaberya ang radio frequency identification (RFID) ng South Luzon Expressway sa northbound lane, kamakailan.
Halos walang galawan ang mga sasakyan mula Filinvest hanggang Bicutan, kaya nadoble ang oras sa biyahe ng ilang motorista matapos maipit sa matinding trapiko.
Dahil dito, inangat muna ang mga barrier at pansamantalang hindi naningil ng toll ang SLEX habang inaayos ang problema.
Naibalik naman sa normal ang operasyon ng expressway mula ala-1:00 ng hapon. Paliwanag ng operator, nasira umano ang fiber optics ng kanilang internet provider dahilan ng system glitch at kasabay nito’y humingi ng paumanhin ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga naabalang motorista.
Samantala, hiningan ng incident report ng TRB ang operator para sa imbestigasyon kung may kapabayaan sa insidente.
Sa totoo lang, malaking abala ang naidulot ng naturang system glitch. At kung tutuusin ay normal na araw lang ito, pero maraming motorista na ang naabala.
Kaya naman ngayong palapit ang Kapaskuhan, asahan na natin ang pagdami ng mga biyahero.
Bukod sa pagtiyak na ligtas at maayos ang mga kalsada, paghandaan din sana ang mga ganitong problema para iwas-aberya.
Panawagan sa mga operator ng mga expressway, tiyaking maayos ang inyong system sa lahat ng pagkakataon at siguraduhing may kaukulang hakbang sa oras na magkaroon ng aberya.
Hangad nating magsilbing paalala ang insidenteng ito na dapat paghandaan ang holiday season.
Obligasyon nating mabigyan ng matiwasay at mapayapang pagbiyahe ang mga motorista, hindi lamang ngayong holiday season, kundi sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments