Senyales na may paparating na malaking grasya
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | May 3, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lenny ng Makati City.
Dear Maestra,
Halos gabi-gabi ay nananaginip ako, pero hindi ko naman alam kung ano ang ibig sabihin nito kaya naisipan kong sumangguni sa inyo.
Napanaginipan ko na uhaw na uhaw ako, tapos binuksan ko ang refrigerator namin upang kumuha ng malamig na tubig, pero wala itong laman kahit isang baso ng tubig.
Lumabas ako upang bumili ng tubig sa tindahan malapit sa amin. Paglabas ko ng bahay, maraming kalapati na nagliliparan. Kulay puti ang mga kalapati at ang ganda-gandang tingnan.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lenny
Sa iyo, Lenny,
Ang panaginip mo na uhaw na uhaw ka, binuksan mo ang ref upang kumuha ng malamig na tubig, pero wala kang nakita kahit isang baso ng tubig ay nangangahulugang matatagpuan mo ang iyong sarili mo na nag-iisa. Hindi ka papansinin ng mga kaibigan mo o maging ang mga kapamilya mo, walang tutulong sa iyo sa sandaling kailangang-kailangan mo ng tulong.
Samantala, ang lumabas ka ng bahay para bumili ng tubig sa tindahan, ngunit paglabas mo may nakita kang mga kalapati nagliliparan, kulay puti at magandang tingnan ay nagpapahiwatig ng malaki at nakakagulat na grasya ang paparating sa buhay mo.
Pagpapalain ka na, kaya huwag kang mawalan ng pag-asa, palagi mong alalahanin na sa kabila ng madilim na ulap, naghihintay ay liwanag.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments