Senyales na magtatagumpay at yayaman sa buhay
- BULGAR
- Apr 25, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | April 25, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Carla ng Batangas.
Dear Maestra,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na namasyal kami ng kapatid ko sa bukid. Ang ganda ng tanim naming palay, hitik na hitik sa butil at puwede nang anihin.
Tapos, lumapit sa akin ang katiwala naming matandang lalaki at nakipagkuwentuhan, at sa bandang huli, nauwi sa ligawan ang kuwentuhan dahil niligawan niya ako.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Carla
Sa iyo, Carla,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta kayo sa bukid ng kapatid mo, maganda at hitik na hitik sa butil ang palay na tanim niyo at puwede nang anihin, ay makakapag-asawa ka ng tapat, mabait, masipag at may kaya sa buhay. Gayundin, ito ay nagpapahiwatig ng paglalakbay.
Mangingibang-bansa kayo upang doon niyo ma-enjoy ang inyong honeymoon, kung saan susuwertehin at sasagana ang inyong pamumuhay.
Samantala, ang lumapit sa iyo ang matandang lalaking katiwala niyo, nakipagkuwentuhan at niligawan ka ay nangangahulugan ng tagumpay sa larangan ng pananalapi. Yayaman at uunlad ka, madaragdagan pa ang iyong kabuhayan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments