Senyales na magiging masaya at masagana ang buhay pagtanda
- BULGAR
- May 9, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 09, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Erick ng Albay.
Dear Maestra,
Binabati ko kayo ng isang pinagpalang araw! Gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip.
Napanaginipan kong nasa kuwarto ako at abalang-abala sa pagpapalit ng punda ng aking mga unan. Maya-maya ay nagulat na lang ako dahil biglang may ibon na dumapo sa bintana, ayaw umalis at tuwit nang tuwit na para bang may ibig ipahiwatig. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Erick
Sa iyo, Erick,
Ang ibig sabihin ng abalang-abala ka sa pagpapalit ng punda ng iyong mga unan ay magiging sagana, masaya at payapa ang magiging buhay mo sa iyong pagtanda. Gayundin, matutupad ang lahat ng pangarap mo at magdadaan ka sa mga pagsubok. Gayunman, malalagpasan mo ang lahat ng dagok ng buhay.
Ang ibon na dumapo sa bintana mo at tuwit nang tuwit ay nagpapahiwatig na mabibigo ka sa pag-ibig. Dahil dito, ihanda mo na ang iyong sarili dahil nakatakda kang mabigo sa larangan ng pag-ibig. Gayunman, tanggapin mo nang maluwag sa kalooban kung ganu’n man ang mangyari. Ibig sabihin, hindi karapat-dapat sa iyo ang napupusuan mo. Darating at darating ang itinadhana sa iyo, kaya huwag kang masyadong malungkot. Lahat tayo ay may katapat sa buhay na itinakda ng kapalaran at ‘yan ang tinatawag na destiny. Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa iyong pagkonsulta sa akin.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments