top of page

Senyales na maganda at mapera ang gustong mapangasawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30, 2020
  • 2 min read

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 30, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Olivar na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakasakay ako sa motor, maganda ang takbo ko sa una, pero bigla akong sumemplang. Hindi agad ako nakatayo, may sugat ako sa tuhod at masakit ‘yung paa ko, tapos may sugat din ako sa braso.


Tinulungan ako ng babaeng nakasakay sa kotse, maganda siya, kaya kahit nahihirapan ako ay sinabi kong okey lang ako. Kumbaga, nagkunwari ako, pero mukhang hindi siya naniwala kaya inalalayan niya pa rin ako. Tapos, dumating na ang rescue team at isinakay ako sa ambulansiya, tapos nagising na ako.


Naghihintay,

Olivar


Sa iyo Olivar,


Nakatutuwa ang iyong panaginip, mukhang machong-macho ka, tigasin at lalaking-lalaki. Ayon sa iyong panaginip, ang gusto mong mapangasawa ay maganda at mayaman tulad ng babae sa panaginip mo.


Mangyari kaya ang wish mo? Malaki ang tsansa na makapag-asawa ng maganda at mayaman. Paano? Simple lang, panatilihin mo ang hiling na ito, kumbaga, anuman ang maranasan mo, ‘yun pa rin dapat ang gusto mong matupad. Ganu’n lang naman ang buhay sa mundo na nagsasabing ang hindi umaayaw sa kanyang pangarap ay nagtatagumpay.


Paano kung makakita ka ng maganda pero hindi mayaman? Ang sagot ay huwag mong pansinin dahil ang gusto mo ay mayaman at maganda.


Paano naman kung may makita kang mayaman pero hindi maganda? Naku, baka magbago ka ng pangarap dahil sa totoo lang, ang yumaman lang ang talagang gusto ng mga tao. Gayunman, huwag mo pa rin siyang pansinin. Bakit? Dahil mismong panaginip ang nagbibigay ng garantiya na ikaw ay makapag-aasawa ng mayaman at maganda tulad ng nasa iyong panaginip. Gayundin, ang mismong panaginip ay paunang sulyap kung sino ang iyong mapapangasawa.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page