Senyales na kikita ng malaki sa negosyo at magiging dyowa ang nililigawan
- BULGAR
- Jun 23, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 23, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Romy ng Bacolod.
Dear Maestra,
Sumainyo nawa ang pagpapala ng Dakilang lumikha sa araw na ito at sa darating pang mga araw. Binata pa ako at kasalukuyang naghahangad na mapasagot ang babaeng napupusuan ko. Napanaginipan ko na kasali ako sa karera ng bisikleta rito sa lugar namin. Muntik na akong hindi makahabol sa nangunguna dahil bigla akong binangga ng pinsan ko na kasali rin. Nagalit ako at sinigawan ko siya. Buti na lang, hindi ako natumba at nagawa kong ipagpatuloy ang pakikipagkarera. Pinatakbo ko nang mabilis na mabilis ang bisikleta ko hanggang malagpasan ko ang nasa unahan. Ako ang nanalo at binigyan ng parangal bukod sa cash prize. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Romy
Sa iyo, Romy,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo. Ang ibig sabihin ng ikaw ang nanalo sa karera ng bisikleta ay magtatagumpay ka sa negosyong papasukin mo. Kikita ka ng malaki at ito ang simula ng iyong pagyaman.
Pati sa pag-ibig ay susuwertehin ka rin. Mapapasagot mo na ng “oo” ang babaeng matagal mo nang nililigawan. Sa kabilang dako, ayon sa panaginip mo ay nagalit ka sa pinsan mo dahil binangga ka niya. Ang ibig sabihin niyan, sa totoong buhay, siya ang pinakatapat sa iyo at nagmamalasakit nang husto sa kapakanan mo. Kaya huwag kang mag-isip ng hindi maganda sa pinsan mo, sa halip ay magtiwala ka sa kanya at pakisamahan mo siya nang maaayos.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments