Senyales na ‘di madali ang pagyaman at babala ng parating na panganib
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 9, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Mercy ng Antique.
Dear Maestra,
Ang sarap basahin ng column n’yo kaya palagi ko itong sinusubaybayan. Minsan ay kapareho ng panaginip ko ang ipinadala sa inyo kaya tuwang-tuwa ako.
Dahil d’yan, gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko. Napanaginipan ko na umulan ng snow dito sa lugar namin, tapos napangiti ako at ang sarap ng pakiramdam ko. Padami nang padami ang snow hanggang naging snow storm na ito, tapos may malakas na tunog ng siren at nagbabala ang mga awtoridad na mag-ingat sa snow storm at huwag lumabas ng bahay.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Mercy
Sa iyo, Mercy,
Ang snow ay nangangahulugan ng kasaganaan at mga pagpapala sa buhay. Subalit ang sabi mo ay naging snow storm ito, ibig sabihin, hindi magiging madali ang iyong pagyaman, gayundin ang pagiging sagana ng iyong pamumuhay. Dadaan ka muna sa mga pagtitiis, pagtitiyaga, pagpapakasakit at pagsubok sa buhay bago mo makamit ang ganap na pagpapala at kasaganaan.
Gayunman, ang tunog ng siren sa panaginip mo na nagbigay-babala ay nagpapahiwatig ng panganib na nakatakdang dumating. Dahil dito, ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin upang makaligtas sa nakaambang panganib na magdudulot ng kapahamakan kung hindi ka magiging mapagmasid at alerto sa pang-araw-araw mong pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments