ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 14, 2024
Photo: Robin Padilla / FB
Tatahi-tahimik si Sen. Robin Padilla pero nakatapos na pala siyang gumawa ng pelikula niyang Bad Boy 3 (BB3) na co-produced niya sa Viva Films.
Wala siyang leading lady sa movie at ilang komedyante lang ang kasama, tulad ni Dennis Padilla. Pawang residente rin sa kanilang pinagsyutingan sa Daet, Camarines Norte ang kasama sa BB3 kung saan si Robin ang nagdirek, katulong ang anak nila ni Liezl Sicangco.
Unti-unti na niyang ine-expose sa showbiz ang anak na gustong maging direktor.
Hindi makapag-full-time si Sen. Robin Padilla sa kanyang showbiz career dahil sa kanyang tungkulin bilang senador, pero hindi niya lubusang matalikuran ang showbiz dahil malaki ang utang na loob niya sa movie industry.
Ngayon ay nabigyan siya ng magandang oportunidad upang makatulong sa kapwa artista. Maraming baguhang artista ang umiidolo sa kanya, kaya pinangangalagaan ni Sen. Robin Padilla ang kanyang imahe sa publiko.
Mismong si Ara Mina ang nagkumpirma sa amin na tatakbo siya bilang konsehal sa Lungsod ng Pasig. May bahay daw ang kanyang ina sa Santolan, Pasig bago sila lumipat sa Provident Village sa Marikina.
Ayon kay Ara Mina, may blessing ng kanyang mister na si Dave Almarinez ang pagpasok niya sa pulitika. Nasa dugo na rin naman niya ang pagiging public servant dahil ang kanyang biological dad ay isa ring kilalang pulitiko sa Quezon City.
Marami nang natulungan si Ara Mina kahit hindi pa siya sumasabak sa pulitika. Isa na rito ay ang veteran actress na si Deborah Sun, na pinatira niya nang libre sa kanyang condo unit.
May mga charity projects din si Ara na hindi na niya isinasapubliko, tahimik ang kanyang pagkakawanggawa.
Freelancer si Ara Mina ngayon kaya napapanood siya sa iba’t ibang TV networks.
Well, tiyak na mas magiging abala na si Ara Mina kapag nanalong konsehala ng Pasig.
Napakasipag at dedicated niya sa kanyang trabaho, maraming kababaihan ang makaka-relate sa kanya.
Sa kabila ng kanyang tagumpay at yaman ngayon, nananatili siyang humble at na-maintain ang friendship sa kanyang mga kasamahan sa That’s Entertainment (TE).
Pinakamahal sa lahat ng celebs…
DRA. BELO, P8 M DAW ANG WEDDING GOWN
MILYONES ang ginagastos sa bridal gown ng mga showbiz celebrities na nagpapakasal. Kaya maraming mga netizens ang nagtatanong kung nasaan na ang mga bridal gowns na ginamit nila? Itinago ba nila ito bilang alaala o ipinamigay/ibinenta sa mas murang halaga?
Among the celebrities na may milyones na halaga ng wedding gown ay sina Marian Rivera (na ang isinuot sa kasal nila ni Dingdong Dantes ay nagkakahalaga ng P2 million at gawa ng sikat na Filipino designer na si Michael Cinco), Heart Evangelista at Anne Curtis (parehong P2.8 million, Lovi Poe (P2.3 milyon), Camille Prats (P1.5 million), Toni Gonzaga (P1.4 million), at si Solenn Heussaff (P1.2 million).
Si Ara Mina ay P1 million ang halaga ng wedding dress nang magpakasal kay Dave Almarinez, at si Dra. Vicki Belo ay P900 thousand, pero ang sey ng mga insiders ay P8 million ito.
Sa showbiz, pabonggahan ng wedding dress ang mga bride. Kaligayahan na nila na ginagastusan nang milyones ng kanilang groom ang kanilang wedding gown.
Well, puwede nilang ipa-auction ang kanilang wedding dress at i-donate sa charity ang mapagbebentahan.
Comments