top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Senado, puro imbestigasyon sa power shortage, wala namang aksyon

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 27, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 27, 2023



TUTULONG NA LANG ANG MARCOS ADMIN, ‘DI PA SINAGAD PARA 24-ORAS NANG MAY KURYENTE SA OCC. MINDORO—Inanunsyo ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Almeda na nagpalabas ng calamity fund si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) para madagdagan ang suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro, kaya ‘yung dating apat na oras na may kuryente sa lalawigan ay magiging walong oras na.


Ibig sabihin, dahil walong oras na ang magiging supply ng kuryente sa Occidental Mindoro, lumalabas na 16 oras pa rin ang iiral na brownout sa buong lalawigan.


Hay naku, sana ay itinodo na ang tulong para maging 24 oras ang supply ng kuryente sa buong probinsya ng Occidental Mindoro, period!


◘◘◘


ILANG BESES NANG NAG-IMBESTIGA ANG SENADO SA PROBLEMANG KURYENTE SA OCC. MINDORO, PERO WALA NAMANG NAGAWANG SOLUSYON—May plano na naman daw ang mga senador na imbestigahan ang lumalalang problema sa kakapusan ng kuryente sa Occidental Mindoro.


Bakit ‘na naman’? Ilang beses na rin kasing nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa isyung ito, pero hanggang ngayon ay wala pa ring solusyon.


‘Yan ang masaklap, sobrang hirap na nga ang nararanasan ng mga taga-Occidental Mindoro sa 20-oras na brownout, gusto pang gamitin ng ilang senador ang isyung ito para magpabida sa publiko, mga pwe!


◘◘◘


MAY MGA TAGA-IATF BA SA MARCOS ADMIN NA GUSTONG KUMITA SA OVERPRICED NA FACE MASK, FACE SHIELD AT EXPIRED TESTING KITS?—Kinontra ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Dr. Ma. Rosario Vergiere ang rekomendasyon ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sa restrictions ang ilang lalawigan na dumarami ang tinatamaan ng sakit. Ayon sa DOH, hindi naman napupuno ng mga pasyente ang mga pagamutan, kaya hindi na dapat pang ibalik ang alert level sa mga lugar kung saan tumataas ang bilang ng mga nagkaka-COVID.


Baka naman may mga taga-IATF sa Marcos admin na gustong kumita sa mga COVID-19 medical supplies dahil sa panahon ng Duterte administration, may mga opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng salapi sa biniling mga overpriced na face mask, face shields at expired testing kits sa Pharmally Pharmaceutical Inc., boom!


◘◘◘


BENTAHAN NG SHABU SA ILLEGAL GAMBLING NI ‘ALING TESSIE’ SA CABUYAO, LAGUNA—May impormasyon na may nagbebenta raw ng shabu sa puwesto ng color games at drop balls ni ‘Aling Tessie’ sa Bgy. Niugan, Cabuyao City, Laguna.


Kung totoo ito, aba’y dapat umaksyon sina Laguna Police Director, Col. Randy Silvio at Cabuyao City Police chief, Lt. Col. Jack Angog dahil kapag naunahan sila ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsalakay ng illegal gambling na ‘yan na may bentahan pa ng shabu, baka sibak ang abutin nila kay newly appointed PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page