top of page
Search

Sen. Tulfo, duda sa PUVMP, ang bibilhin ng DOTr at LTFRB, mahal na e-jeep ng China kesa mura na gawang Pinoy

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 9, 2024


‘DI KATANGGAP-TANGGAP KAY SEN. RAFFY TULFO NA SINAKOP NA NG CHINA ANG DAGAT NG ‘PINAS, TAPOS IPAPASAKOP PA NG DOTr AT LTFRB SA CHINA ANG KALSADA NG PILIPINAS -- Umuusok sa galit si Sen. Raffy Tulfo sa Dept. of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa plano ng dalawang ahensya na tanggalin na sa kalsada ang mga traditional jeepney na gawang Pinoy at palitan ang mga ito ng electric jeep na gawang China.


Dahil sa planong ‘yan ng DOTr at LTFRB ay nasabi ng senador na hindi katanggap-tanggap na sinakop na ng China ang dagat ng Pilipinas, tapos papayagan pa ng dalawang ahensyang ito (DOTr at LTFRB) na pati kalsada ng ‘Pinas ay sakupin na rin ng China, period!

◘◘◘


DUDA NI SEN. TULFO NA MAY CORRUPTION SA PUV MODERNIZATION PROGRAM, KASI MURA ANG PRESYO NG JEEPNEY NA GAWANG PINOY, TAPOS NAIS NG DOTr AT LTFRB NA BILHIN ANG NAPAKAMAHAL NA E-JEEP NA GAWANG CHINA -- May hinala si Sen. Tulfo na may corruption sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.


Nasabi ito ni Sen. Tulfo kasi nga naman imbes na ang mga jeepney na gawang Pinoy na nagkakahalaga lang ng mahigit P900K per unit, eh ang ipinagpipilitan ng DOTr at LTFRB na ibenta sa mga tsuper at operator ay ang mga e-jeep na gawang China na nagkakahalaga ng mahigit P2.9M per unit, tsk!


◘◘◘


WALANG EPEKTO KAY VP SARA ANG MGA PANINIRA SA KANYA, KASI NAG-TOP PA RIN SIYA SA SURVEY -- Sa latest survey ng Pulse Asia ay pinataob ni Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio sina Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), Senate President Migz Zubiri at Speaker Martin Romualdez.


Nag-top kasi sa survey si VP Sara na nakakuha ng 78% trust rating at 73% approval rating, samantalang nakakuha lang si P-BBM ng 73% trust rating at 68% approval rating, si SP Zubiri ay 51% trust at 49% approval rating ang nakuha at kulelat si Speaker Romualdez na nakakuha lang ng 41% trust at 39% approval rating.


Ang pag-top ni VP Sara sa Pulse Asia survey ay pagpapatunay na walang epekto ang mga paninira sa kanya, na siya pa ring love ng majority Pinoys, period!


◘◘◘


SA ROLLBACK PARANG HINIHIMAS NG MARCOS ADMIN ANG BATOK NG MGA PINOY AT SAKA BABATUKAN SA PAGPAPATUPAD NG OIL PRICE HIKE -- Nitong nakalipas na January 2, 2024 ay nagkaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, at kahapon ay inanunsyo ng Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na ngayong araw, Jan. 9, 2024, ay may ipaiiral na namang oil price increase.


Ganyan ang sistema ng Marcos admin, na sa isyung rollback ay parang hinihimas ang batok ng mga Pinoy, at saka babatukan sa pagpapatupad ng oil price hike, boom!


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page