ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 25, 2024
WALANG TAKOT SA ‘APPOINTED SON OF GOD’ SINA SEN. RISA AT CONG. DONG KASI IPAPAARESTO NILA ITO KAPAG ‘DI SUMIPOT SA SENATE AT HOUSE HEARINGS -- Matapos balaan ni Sen. Risa Hontiveros na ipapaaresto niya si Pastor Apollo Quiboloy kapag hindi ito sumipot sa Senate hearing sa March 5, 2024, ay binalaan din ni Pampanga Rep. Dong Gonzales ang pastor na ipapaaresto rin nila ito kapag hindi rin sumipot sa hearing sa Kamara.
Kumbaga, parang sinabi na rin nina Sen. Risa at Cong. Dong na hindi sila natatakot kay Quiboloy kahit na ang pakilala nito sa kanyang sarili ay “appointed son of God”, boom!
◘◘◘
MAY PUNTONG MAGALIT ANG PAMILYA DUTERTE AT SI QUIBOLOY KAY P- BBM -- Kabilang ang pamilya Duterte at si Pastor Quiboloy sa nangampanya noon para maging presidente si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., pero ngayon ay kapwa na sila nagsisisi kung bakit ikinampanya pa nila itong maging pangulo ng ‘Pinas at patunay ang sukdulan nilang galit kay P-BBM ay nang ibulgar ni ex-P-Duterte na adik umano ito (P-BBM) sa cocaine at ang magkasunod na panawagan nina Davao City Mayor Baste Duterte at Quiboloy na dapat na raw mag-resign sa puwesto ang presidente.
Sa totoo lang, may dahilan ang pamilya Duterte na magalit kay P-BBM kasi may impormasyon silang natanggap na palihim na pinapasok umano ng Marcos admin ang mga International Criminal Court (ICC) investigators para mag-imbestiga sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa, at sa parte naman ni Quiboloy ay sinabi niyang nakipag-ugnayan daw sa Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI) ang administrasyong Marcos para siya ay dakpin sa mga kasong sexual abuse, period!
◘◘◘
MGA CONG. LABAN-BAWI SA ICC VS. EX-P-DUTERTE -- Noong presidente pa si ex-P- Duterte ay todo-tanggol ang mga kongresista sa ex-president na kesyo wala raw jurisdiction ang ICC para kasuhan ito ng crime against humanity, pero nang mawala na ito sa Malacanang, ang sabi ng mga cong. ay dapat daw harapin nito (ex-P-Duterte) ang kaso sa ICC.
Kapag sakaling dumating ang panahon na maging presidente si VP Sara, tiyak maglalaban-bawi na naman ang mga cong., at sasabihin ng mga ‘yan na walang jurisdiction sa ‘Pinas ang ICC, boom!
◘◘◘
PAGSABI NA ‘DI NA TULOY ANG PHILHEALTH CONTRIBUTIONS HIKE KINATATAMARAN PA NI P-BBM -- Hanggang ngayon ay wala pang utos si P-BBM sa PhilHealth na huwag i-implement ang dagdag na 5% contributions sa mga PhilHealth member.
Pambihira naman, simpleng salita lang na hindi na tuloy ang increase sa PhilHealth contributions ay kinatatamaran pa, tsk!
Comments