Sen. Lapid at Sen. Pia Cayetano ‘nganga’ sa kontrobersiya ng PCSO
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 25, 2024
MAHUSAY SA ESTRATEHIYA ANG DUTERTE KUNG PAANO PASASAKITIN ANG ULO NG MGA ANTI-DUTERTE POLITICIANS -- Mahusay sa estratehiya ang mga Duterte kung paano pasasakitin ang ulo ng mga kalaban nila sa pulitika.
Nito kasing nakalipas na Jan. 22, 2024 ay inanunsyo ni Vice President Sara Duterte-Carpio na tatakbo raw siya sa susunod na eleksyon, eh ang susunod na eleksyon ay ang 2025 senatorial, Congress at local elections, samantalang ang termino ni VP Sara bilang bise presidente ay sa June 30, 2028 pa matatapos.
Dahil sa statement na ‘yan ni VP Sara, tiyak na sakit-ulo ngayon ang mga anti-Duterte politician sa kaiisip kung ano’ng kahulugan ng sinabi ng bise presidente na tatakbo siya sa susunod na eleksyon, next 2025 election ba ito tatakbo o sa susunod na 2028 presidential election, he-he-he!
◘◘◘
SEN. LITO LAPID AT SEN. PIA CAYETANO ‘NGANGA’ SA KONTROBERSIYANG KINASANGKUTAN NG PCSO -- Bukod kay Sen. Raffy Tulfo, dapat kabilang sina Sen. Lito Lapid, chairman ng Senate Committee on Games and Amusement at Sen. Pia Cayetano, chairman ng Senate Accountability of Public Officers and Investigation sa nag-iimbestiga sa kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang mabulgar na edited ang larawan ng babaeng inilathala ng PCSO na nagwagi ng higit P43 million jackpot prize sa lotto.
Ang masaklap, tila nagkakalokohan na sa lotto winners, na hindi malaman kung totoong may nananalo o tumatama rito, eh sina Sen. Lapid at Sen. Pia Cayetano ay kapwa “nganga” lang sa kontrobersiyang ito na kinasasangkutan ng PCSO, period!
◘◘◘
DAPAT GUMAWA SI SEN. TULFO NG RESOLUSYON NA PINAGRE-RESIGN O KAYA PINASISIBAK KAY P-BBM ANG MGA PCSO OFFICIAL --Tutal, si Sen. Raffy Tulfo naman na ang pursigidong mag-imbestiga sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng PCSO, sana hindi matapos ang imbestigasyon dito nang walang kinahantungan.
Ibig nating sabihin, dahil halos nagduda ang mamamayan sa lotto ng PCSO, dapat gumawa si Sen. Tulfo ng dalawang resolusyon na pipirmahan ng mga kapwa niya senador. Unang resolusyon ay hilingin ng Senado ang pagre-resign nina PCSO Chairman Junie Cua at PCSO General Manager Melquiades Robles, at kung hindi naman sila magre-resign, ang ikalawang resolusyon na dapat gawin ng senador ay humihiling kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na sibakin sa puwesto ang dalawang opisyal na ito ng PCSO, boom!
◘◘◘
UTOS NI DSWD SEC. GATCHALIAN NA GAWING P1K NA PENSION NG MGA SENIOR, PATUNAY NA MAY MALASAKIT SIYA SA MGA LOLO AT LOLA -- Next month o sa buwan ng Pebrero ang dating P500 monthly pension na ibinibigay ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga senior citizen ay magiging P1,000 na buwan-buwan.
Patunay ‘yan na hindi nagkamali si P-BBM sa pagtalaga kay Sec. Rex Gatchalian sa DSWD, kasi ang direktiba ng DSWD sec. na ipatupad na ang P1K monthly pension sa mga senior ay pagpapakita na may malasakit ang kalihim sa mga lolo at lola sa ‘Pinas, period!





Comments