Sen. Imee nakakabilib, ‘pag may palpak si P-BBM, agad tinatalakan
- BULGAR
- Feb 2, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 2, 2024
MARAMING HUMAHANGA KAY SEN. IMEE, KASI KAHIT KAPATID NIYA ANG PRESIDENTE KAPAG MAY MALI ITO, TINATALAKAN NIYA -- Kahanga-hanga ang ipinakikita ni Sen. Imee Marcos na katapatan sa paglilingkod sa mamamayan, kasi kahit kapatid niya si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at pinsang buo si Speaker Martin Romualdez, kapag may nakita siyang maling polisiya na gustong ipatupad ng dalawa ay kinokontra niya ang mga ito.
Maraming batikos nang ginawa si Sen. Imee sa Marcos administration tulad ng pagiging “nganga” sa mga agri smugglers, kawalan ng aksyon para mapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, at ang huli ay ang Charter change (Cha-cha).
Kakaiba si Sen. Imee sa ibang naging malapit na kamag-anak ng mga nagiging presidente ng Pilipinas na naibalita noon na nasangkot sa pang-aabuso, katiwalian.
Pero si Senadora Imee, ipinakikita niya sa publiko na kapag may maling polisiya ang kanyang kapatid na presidente, talaga namang tinatalakan niya ito, boom!
◘◘◘
KAHIT PA MABAGO ANG SALIGANG BATAS, MAGHIHIRAP PA RIN ANG MAMAMAYAN KUNG LAGING IBINOBOTO AY MULA SA POLITICAL DYNASTY AT MGA PORK BARREL POLITICIANS -- Malaking kalokohan ang sinasabi ng mga kongresistang nagsusulong ng Cha-cha na aahon daw sa kahirapan ang mamamayan kung mababago ang ilang probisyon na nakapaloob sa 1987 Constitution.
Sa totoo lang kasi, kahit na mabago pa ang mga nilalaman ng Saligang Batas, pero kung ang ginagawa ng mga botante ay laging ibinoboto ang mga political dynasty at pork barrel politicians, walang magbabago sa kabuhayan ng mga Pinoy. Patuloy na maghihirap ang mamamayan, at siyempre ‘yung mga ibinoboto nilang mga political dynasty at pork barrel politicians, ‘yan ang mga tuluy-tuloy na umaasenso ang kabuhayan, boom!
◘◘◘
DAPAT GAYAHIN NG IBANG PULITIKO SINA BULACAN GOV. DANIEL FERNANDO AT BAGUIO CITY MAYOR BENJAMIN MAGALONG NA PAREHONG WALANG POLITICAL DYNASTY -- Kung sakaling uusad ang Cha-cha at babaguhin ng mga kongresista ang mga political provisions sa Saligang Batas, hindi ang term limit ang dapat nilang pakialaman, kundi ang tungkol sa political dynasty lalo na sa lokal na posisyon, na ibig sabihin ipagbawal na ang political dynasty sa local positions.
Ang sagwa kasing tingnan halimbawa sa isang lalawigan, ang mister ay governor, ang misis niya ay vice governor, tapos may mga anak pang kongresista, o kaya ay mayor, at kapag end na ang termino nila nagpapalit-palitan lang sila sa puwesto.
Sa totoo lang sa local positions, mabibilang lang sa daliri ang mga pulitikong walang political dynasty, sila ay sina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Baguio City Benjamin Magalong, kaya’t kita n’yo naman, dahil wala silang political dynasty ay very good ang serbisyo nila sa kanilang mga nasasakupan. Dapat gayahin sila ng ibang pulitiko, maglingkod ng walang political dynasty, period!
◘◘◘
NAGUGUSTUHAN NI P-BBM ANG TRABAHO NI VP SARA SA DEPED, KAYA KAHIT INAATAKE SIYA NINA EX-P-DUTERTE AT MAYOR BASTE, HINDI NIYA SISIBAKIN ITO SA DEPED -- Ayon kay P-BBM, kahit may sigalot sila ni ex-P-Duterte at inaatake siya ni Davao City Mayor Baste Duterte ay hindi raw niya tatanggalin si Vice President Sara Duterte-Carpio bilang kalihim ng Dept. of Education (DepEd).
Ibig sabihin n’yan ay nagugustuhan ni P-BBM ang trabaho ni VP Sara sa DepEd, period!





Comments