top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sen. Imee at mga magsasaka nag-rally vs. Diokno at Balisacan

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 27, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 27, 2023


SEN. IMEE JOIN SA RALLY NG MGA MAGSASAKA KAYA’T DAPAT SIBAKIN NA NI P-BBM SINA SEC. DIOKNO AT SEC. BALISACAN -- Nakiisa si presidential sister, Sen. Imee Marcos sa panawagan ng mga magsasakang nagsagawa ng protesta sa harap ng tanggapan ng Dept. of Finance (DOF) na nananawagan ng pagbibitiw sa puwesto nina Finance Sec. Benjamin Diokno at National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan dahil sa plano ng dalawang ito (Diokno at Balisacan) na bawasan ang taripa o tax na binabayaran sa Customs ng mga rice importers, kasi kapag nangyari ito ay parang pinatay na ng gobyerno ang hanapbuhay ng mga magsasakang Pinoy.


Ang pagtungo ni Sen. Imee sa rally ng mga magsasaka ay pagpapakita na kaisa siya sa damdamin ng mga magsasaka, kaya sana, may ganitong damdamin din si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) kaya’t dapat sibakin na niya sa puwesto ang mga anti-Pinoy farmers na sina Diokno at Balisacan, period!


◘◘◘


SEC. DIOKNO MALAKING KASIRAAN SA MARCOS ADMIN -- Si Finance Sec. Diokno ay malaking kasiraan sa administrasyon ni P-BBM.


Si Diokno ang nagpayo umano kay P-BBM na huwag tuparin ang ipinangako noong kampanya ng noo’y presidential candidate si BBM na kapag naging presidente siya ay ipawalang-bisa niya ang pahirap na rice tariff law ni ex-P-Duterte. Si Diokno rin ang nagpayo raw na patawan na ng kontribusyon ang mga active soldiers, policemen at iba pang uniformed personnel ng pamahalaan.


At si Diokno rin ang nagsabi na gastos lang daw sa gobyerno ang free college education at ang latest, ito ngang pagbawas sa taripa ng mga rice importers.


Dapat isipin ni P-BBM na ang galit ng taumbayan kay Diokno ay “tatagos” sa kanyang administrasyon kaya’t dapat sibakin na niya ito sa puwesto, boom!


◘◘◘


PAMIMIGAY NI P-BBM SA MGA MARALITA NG MGA KUMPISKADONG BIGAS, LEKSYON SA MGA RICE HOARDERS -- Nag-iikot ngayon si P-BBM sa iba’t ibang lugar sa bansa para ipamigay ang libu-libong sakong kumpiskadong bigas mula sa mga rice hoarders.


Sa totoo lang, mainam ang ginagawang ‘yan ng presidente para magtanda at maturuan ng leksyon ang mga rice hoarders na ang mga itinatago nilang bigas na kalaunan ay ibebenta nila ng mahal, na kapag nakumpiska ng pamahalaan ay ipamimigay nang libre ni P-BBM sa mga maralitang Pinoy, period!


◘◘◘


DAPAT IMUNGKAHI NI CONG. STELLA QUIMBO NA BASTA TANGGAPAN NG TRAPO, WALANG CONFI FUNDS -- Iminungkahi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na magkaroon ng special oversight committee para sa paggamit ng confidential at intelligence funds.


Hay naku, walang katuturan ‘yan kasi nga walang kaakibat na resibo ang paggasta r’yan sa confi at intel funds.


Pinakamainam na gawin ni Cong. Stella, bilang senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations, na basta ahensya ng gobyerno na ang namumuno ay trapo (traditional politicians), walang confi funds, boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page