top of page
Search
  • BULGAR

Sen. Dela Rosa, parang pinatotohanan ang hirit ni ex-P-Duterte na adik sa cocaine si PBBM

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 9, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HIRIT NI EX-P-DUTERTE NA ADIK SA COCAINE SI PBBM, MISTULANG PINATOTOHANAN NI SEN. DELA ROSA -- Sabi ni Sen. Ronald Dela Rosa na naniniwala raw siya na authentic o totoo ang kumalat na xerox copy sa social media ng dokumentong nawawala sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kung saan nakasaad dito na naging target ng drug-bust operation ang noo’y Sen. Bongbong Marcos, iba pang personalidad na gumagamit daw ng cocaine sa condo unit ni actress Maricel Soriano sa Makati City noong year 2012.


Dahil naniniwala raw siyang totoo ang dokumentong ito, kung saan nandito ang pangalan ni PBBM, ay parang pinatotohanan na rin ni Sen. Dela Rosa ang sinabi ni ex-P-Duterte at ng former PDEA Agent Jonathan Morales na adik sa cocaine ang presidente ngayon ng ‘Pinas, boom!


XXX


PAGSAMA NI SEN. DELA ROSA KAY MARICEL SORIANO SA IMBESTIGASYON SA PDEA LINKS, HINDI NAGUSTUHAN NI SEN. PADILLA -- Hindi nagustuhan ni action star-turned politician Sen. Robin Padilla ang pagpapatawag ng kapartido niya sa PDP party na si Sen. Dela Rosa sa kapwa niya artista na si ‘Diamond Star’ Maricel Soriano sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa PDEA links na nagdadawit kina PBBM at Soriano sa droga. At dahil d’yan ay nagpalabas ng statement si Sen. Padilla na huwag daw idamay sa pamumulitika ang mga artista.


Sa statement na ito ni Sen. Padilla ay waring ipinakikita niya sa publiko na mas love niya ang mga kapwa niya artista kaysa kapartido, period!


XXX


HINDI LAHAT NG MAMAMAYANG PINOY MAKIKINABANG SA IBINIBIDA NG KAMARA AT DA NA MURANG PRESYO NG BIGAS -- Ibinida ng Kamara at Dept. of Agriculture (DA) na posible raw na kung hindi sa Hulyo ay sa Agosto 2024, may mabibili ng bigas na P29 hanggang P30 per kilo sa mga Kadiwa store.


Kung magpapabida ang Kamara at DA ay dapat lahat ng mamamayan ang makikinabang sa kanilang ibinibida, kasi sa totoo lang ay hindi lahat ng municipalities at cities ay may Kadiwa store, na ibig sabihin ay iyong mga residenteng malapit lang sa mga lugar na may Kadiwa store ang makikinabang, pero ang mga munisipalidad at lungsod na walang Kadiwa store ay hindi mabibiyayaan sa murang presyo ng bigas, tsk!


XXX


MGA RETIRADONG PARAK NA NGA, NAGAGAWA PANG MAGBIGAY PROTEKSYON SA MGA ILEGALISTA SA CALABARZON -- May impormasyon na mga retired na parak daw ang mga bumubuo ng “Magsino Group” na ang raket ay mangolekta ng payola bilang kapalit ng proteksyon sa mga ilegalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon).


Mantakin n’yo, mga retired policeman pala itong mga miyembro ng “Magsino Group,” pero sa kabila na sila ay mga retirado na ay nagagawa pa pala nilang magbigay ng proteksyon sa raket ng mga ilegalista, buset!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page