Sen. at Cong., may Pork Barrel, komisyon, kontratista at supplier na, mga adik pa sa pera!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 11, 2023
ATAT NA ATAT NA ANG MARCOS ADMIN NA ISUGAL SA INVESTMENT ANG KABAN NG BAYAN AT PERA NG MAMAMAYAN -- Inanunsyo ni Sec. Benjamin Diokno ng Dept. of Finance (DOF) na tapos na raw nilang gawin ang IRR o Implementing Rules and Regulations ng Maharlika Investment Fund (MIF) kaya’t dapat daw bago matapos ang 2023 ay mapondohan na ito.
Talagang atat na atat ang Marcos admin na isugal sa investment ang kaban ng bayan at pera ng mamamayan, mga buset!
◘◘◘
BANAT NI MAGALONG, PAGKABAON SA UTANG NG ‘PINAS DAHIL SA PORK BARREL NG MGA SEN. AT CONG. -- Pumalo na sa higit P14.10 trillion ang utang ng Pilipinas. At ang patuloy na paglaki ng utang ng bansa ay sa talamak na korupsiyon ng mga traditional politicians (trapo) isinisisi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, kaya’t ang panawagan niya sa mga senador at kongresista, isuko na nila o huwag na silang tumanggap ng pork barrel para hindi na mabaon nang husto sa utang ang ‘Pinas.
May punto si Mayor Magalong na mabahala sa patuloy na paglobo ng utang bansa, kasi sa totoo lang, ang kalahati ng taunang pambansang badyet ng ‘Pinas ay inuutang ng gobyerno, at ang halos 1/4 ng yearly national budget na ito ay sa gatasang pork barrel ng mga trapong senador at kongresista napupunta, boom!
◘◘◘
MGA 'BOBOTANTE' SISIHIN SA PAGKAPANALO NG MGA PORK BARREL POLITICIANS -- Ang talamak na korupsiyon sa bansa ay hindi lang dapat isisi sa mga pork barrel politicians, kundi dapat isisi rin sa mga bobotante.
Nabulgar na nga noon ang pangalan ng mga senador at kongresistang sangkot sa pork barrel scam ni Janet Napoles, pero mantakin n’yo, ang mga pork barrel politicians na ito ay ibinoto pa ng mga bobotante, kaya ang resulta, andu’n uli sila sa Senado at Kamara, mga nagsisipagkamal na naman ng pork barrel money, tsk!
◘◘◘
MGA SEN. AT CONG. NA MAY PORK BARREL, MAY KOMISYON NA SA PROYEKTO, SILA PA ANG KONTRATISTA AT SUPPLIER -- Banat pa ni Mayor Magalong, ang mga senador at kongresistang may pork barrel ay mga ubod nang corrupt, kasi bukod sa may komisyon o porsyento na silang tinatanggap sa kanilang mga pork barrel projects, ay sila rin na mga sen. at cong. ang kontratista at supplier.
Sa mga banat na ito ni Magalong, kulang na lang sabihin niya na ‘yung mga sen. at cong. na may pork barrel ay mga “adik sa kuwarta,” at nagpapanggap lang na mga “lingkod-bayan,” boom!





Comments