ni Anthony E. Servinio @Sports | November 25, 2023
Mga laro ngayong Sabado – Araneta
11 AM UP vs. UST (W)
2 PM UP vs. ADMU (M)
6 PM DLSU vs. NU (M)
Apat na paaralan na lang ang naiiwan para sa karapatang tawaging kampeon ng 86th UAAP Men’s Basketball sa paglarga ng Final Four ngayong araw sa Araneta Coliseum.
TItingnan ng mga paboritong University of the Philippines at De La Salle University na wakasan ng maaga ang kanilang mga serye subalit may nais sabihin ang defending champion Ateneo de Manila University at National University tungkol doon.
Kinuha ng Blue Eagles ang unang laro, 99-89, na pumigil sa anim na sunod na tagumpay ng Fighting Maroons at hindi nila nawalis ang Round One noong Oktubre 22. Matapos ang isang linggo lang ay nagkita sila muli at gumanti ang UP, 65-60, noong Oktubre 29.
Masakit na 77-80 talo ang natikman ng Green Archers sa kamay ng Bulldogs na sinundan ng 61-68 pagkabigo sa UP. Mula roon ay hindi na natalo ang DLSU sa huli nilang walong laro kasama ang 88-78 pagbawi sa NU noong Oktubre 28.
Sa Women’s Division, malalaman kung sino sa University of Santo Tomas o UP ang tutuloy sa best-of-three finals laban sa defending champion NU. Ipinilit ang Lady Maroons ang winner-take-all matapos nilang gulatin ang Tigresses sa overtime noong Miyerkules, 88-80, habang madaling pumasok ang Lady Bulldogs sa panalo sa Ateneo, 58-43.
Kasabay ng kanyang ika-18 kaarawan, humakot ng nakakagulat na 30 rebound si Favour Onoh subalit mahalaga rin ay ipinasok niya ang free throw na nagtakda ng overtime, 72-72. Iyan ang hudyat para kay Louna Ozar at Kaye Pesquera para mamayagpag sa overtime at magtala ng 25 at 19 puntos.
Pinapaalala na hiwalay ang tiket ngayong araw. Palalabasin ang lahat at kailangang bumili ng bago para sa iba pang laro.
Comentários