top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Sektor ng turismo, unti-unti nang bumabangon

BULGAR
Oct 24, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 24, 2022


Aabot sa dalawang milyon ang mga dayuhang turista na bibisita sa Pilipinas ngayong taon.


Ito ang inaasahan ng Department of Tourism (DOT), kung saan ayon pa kay Tourism Secretary Christina Frasco, ginagawa ng ahensya ang lahat upang maabot ang target na 2 milyong bilang ng turista.


Base sa datos ng ahensya, sa nakalipas na linggo, nalampasan na umano ang target na 1.7 milyon international arrivals para sa taong ito matapos makapagtala ng 1.77 milyon noong Oktubre 17.


Habang patuloy umano ang Philippine Travel Exchange program ng DOT na lagpas sa P172 milyon ang sales at maituturing umano itong record breaking.


Samantala, binigyang-diin ng ahensya na may pitong estratehiyang nais bigyang-pansin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa naturang sektor, kabilang ang pagpapaganda ng mga imprastruktura sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at pagpapaganda ng gateway access at seaports.


Gayundin, kabilang ang pagpapalawig ng digitalization at tourism experience ng mga dayuhan at pagpapaganda ng mga palikuran sa bansa.


Nais din umano ng DOT na palakihin ang tourist information at pasalubong centers at i-maximize ang domestic tourism sa pakikipagtulungan sa mga local government unit (LGU) para pagandahin ang iba’t ibang tourist destination.


Sa totoo lang, malaki ang ambag ng sektor ng turismo sa ekonomiya ng bansa.


Matatandaang, turismo ang unang naapektuhan ng pandemya at nakakatuwa na makalipas ang dalawang taon ay kapansin-pansing bumabangon na ang industriya.


Ibig sabihin din nito, mas marami na tayong kababayan na nakabalik sa hanapbuhay at negosyo.


Ngayong nakalatag ang mga plano at hangarin natin para sa sektor ng turismo, hangad natin ang alalay at gabay ng gobyerno para maisakatuparan ang mga ito.


Sana’y magpatuloy ang pagbangon ng industriya sa kabila ng pananatili ng pandemya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page