Seguridad sa simbang gabi, tiyakin
ni Ryan Sison @Boses | December 6, 2023
Matapos ang naganap na pambobomba sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, mas paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga simbahan sa pagsasagawa ng tradisyonal na Simbang Gabi na magsisimula sa Disyembre 16.
Ito ang tiniyak ng ating kapulisan kasunod ng bomb attack sa isang Sunday Mass sa Dimaporo Gymnasium sa MSU na ikinamatay ng apat na katao at ikinasugat ng maraming dumalo sa misa.
Pahayag ni PNP spokesperson Jean Fajardo sa isang press briefing, ito ang dahilan kaya inatasan ng Chief PNP ang mga ground commander na paigtingin ang kanilang target na hardening kabilang na ang police presence at visibility sa mga simbahan lalo na sa Disyembre 16 na simula ng mga Simbang Gabi.
Ang Simbang Gabi, sa mga Katoliko, ay isang tradisyonal na siyam na araw na serye ng mga misa na isinasagawa tuwing Kapaskuhan.
Ayon pa kay Fajardo, bukod sa mga simbahan, hihigpitan din nila ang pagbabantay at seguridad sa mga commercial establishments at tourist spots, at sa mga matataong lugar.
Matatandaang nangyari ang pagsabog sa isang misa na dinaluhan ng mga estudyante at mga guro sa MSU gym nitong umaga ng Linggo.
Batay sa PNP, apat ang nasawi habang anim sa mga nasugatan ay nasa stable na kondisyon sa ospital. Nasa 39 naman na nasaktan ay nakalabas na sa pagamutan.
Sinabi naman ng militar na kanila pang bina-validate ang pahayag ng Islamic State na sila umanong responsable sa nangyaring pambobomba.
Tama ang gagawin ng ating kapulisan na mas higpitan ang seguridad sa mangyayaring 9-day series ng Simbang Gabi.
Marami sa ating mga kababayan ang panatiko o religious na mabuo ang Simbang Gabi at talagang taun-taon nila itong hinihintay, kaya tiyak na dagsa sa mga simbahan sa mga panahong iyon para magsimba at magpasalamat sa Poong Maykapal.
Hiling natin sa kinauukulan na matinding proteksyon ang gawin, gaya ng pag-iinspeksyon nang mabuti sa mga dala-dala ng mga kababayan sa pagpasok sa mga simbahan at establisimyento, pagpapakalat ng mga K-9 unit, at kung sakaling lalaki ay kapkapan nila ito na hindi naman aabot na nakaka-offend sa kanila, at magkaroon din sana ng mga metal detector.
Higit sa lahat huwag na magpakampante dahil posibleng makasama o makatabi na ninyo ang masasamang loob o suicide bomber at tuluyang makalusot sa inyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments