Seguridad sa eskwelahan, tutukan
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | August 20, 2026

Ang pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University ay isang mabigat na paalala na hindi maaaring ipagwalang-bahala ang seguridad sa loob ng mga paaralan. Kung nakapasok ang isang menor-de-edad na may dalang baril, kailangang masusing alamin kung saan nagkulang ang umiiral na seguridad.
Hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mga guwardiya, CCTV at security checks sa gate. Kailangang regular na sinusuri kung epektibo ang mga ito, lalo na sa pagtukoy at pagpigil sa pagpasok ng armas at iba pang bagay na maaaring maglagay sa panganib sa mga estudyante, guro at kawani.
Kasabay nito, hindi dapat puro paghihigpit ang tugon. Mahalaga rin ang maagang pagtukoy sa mga banta, malinaw na sistema ng pag-uulat, mabilis na koordinasyon sa mga magulang at awtoridad, at sapat na paghahanda ng paaralan sa mga emergency. Ang seguridad ay hindi lamang trabaho ng guwardiya—responsibilidad ito ng buong komunidad ng paaralan.
Dapat magsilbing babala ang nangyari sa lahat ng paaralan sa bansa. Kailangang repasuhin ngayon, hindi pagkatapos ng panibagong trahedya, ang kanilang security protocols.
Ang paaralan ay dapat manatiling lugar ng pagkatuto at paghubog ng kabataan, hindi lugar kung saan kailangang mangamba ang mga estudyante para sa kanilang buhay.



Comments