top of page
Gelli de Belen - IG.jpg

P46B pondo sa Super El Niño, dapat malinaw kung saan mapupunta

Writer: BULGAR
BULGAR
48 minutes ago
1 min read

by Info @Editorial | October 5, 2026



Editoryal, Editorial


Aabot sa P46 bilyon ang maaari umanong gamitin ngayong 2026 bilang panangga sa inaasahang matinding El Niño—P6.2 bilyon para sa mga magsasaka at mangingisda at P39.83 bilyon mula sa disaster fund para sa mga kwalipikadong pangangailangan.


Malaking halaga ito, pero hindi sa dami ng pera nasusukat ang tunay na kahandaan. Walang saysay ang bilyun-bilyong pondo kung matutuyo muna ang mga sakahan, babagsak ang ani, magkukulang ang suplay ng tubig at tataas ang presyo ng pagkain bago makarating ang tulong sa mga apektadong komunidad.


Kaya ang hamon sa gobyerno ay kumilos habang may panahon pa. Dapat malinaw kung saan gagamitin ang pondo, gaano kabilis itong mailalabas at kung anong mga konkretong hakbang ang ipatutupad upang maprotektahan ang agrikultura, suplay ng pagkain, tubig at kabuhayan. Hindi puwedeng saka lamang gagalaw kapag malala na ang pinsala.


Dapat ding tiyaking direktang makararating ang tulong sa mga magsasaka, mangingisda at pamilyang higit na tatamaan ng matinding init at tagtuyot. Kasabay nito, kailangang palakasin ang irigasyon, water conservation, food security at iba pang preventive measures upang mabawasan ang epekto ng Super El Niño bago pa ito maramdaman nang husto.


Hindi dapat maging pondo lamang para sa pagresponde ang P46 bilyon. Ang tunay na sukatan ng kahandaan ay hindi kung gaano kalaking pera ang nagastos pagkatapos ng sakuna, kundi kung gaano kalaking pinsala ang naiwasan bago pa maging krisis ang El Niño.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page