Seguridad ng mga bilanggo at bisita, tiyakin sa F2F na pagdalaw
- BULGAR
- Dec 17, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 17, 2022
Matapos ang mahigit dalawang taon, pinapayagan na ang face-to-face na pagbisita ng mga Pilipino sa mga kaanak nilang nasa piitan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon sa tagapagsalita ng ahensya, may listahan ng immediate families na magiging prayoridad ng papayagang bumisita sa mga persons deprived of liberty (PDL).
Bilang parte ng pag-iingat, bagama’t hinikayat ng ahensya na fully vaccinated kontra COVID-19 ang mga dadalaw, papayagan pa ring makabisita ang mga hindi bakunado. Gayunman, kailangang magpresinta ng negatibong resulta ng RT-PCR, 72-oras bago ang pagbisita, habang 24-oras naman para sa antigen.
Binigyang-diin ng opisyal na importante ito dahil maaari nang mahagkan ng mga preso ang kanilang mga kamag-anak ngayong Pasko. Hanggang noong Nobyembre kasi, mayroon pang physical barriers, ngunit ngayong Disyembre, maaari na umanong magkaroon ng physical contact ang bibisita at inmate.
Samantala, kailangan munang makipag-ugnayan ng mga kamag-anak sa mga piitan para sa schedule ng kanilang pagbisita.
Pagdating sa schedule, ang haba ng oras ng pagbisita ay nakasalalay sa mga dadalaw kada araw.
Ang oras ng pagbisita ay mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon, mula Martes hanggang Huwebes at tuwing alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali, at ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Samantala, walang dalaw tuwing Lunes at Biyernes para magbigay-daan sa paglilinis ng mga pasilidad ng BJMP.
Magandang balita ito para sa mga PDL dahil sa wakas, maaari na nilang makita o makasama ang kanilang pamilya bago ang Pasko kahit limitadong oras lamang.
Pero bago ang lahat, tiyaking nasusunod ang mga panuntunan at walang magpapasaway.
Panawagan din natin sa mga kinauukulan, tiyakin ang seguridad ng mga bibisita at dapat bantay-sarado ang mga pasilidad.
Mas mabuti nang maingat sa lahat ng pagkakataon upang maiwasan ang anumang sakuna o hindi kanais-nais na insidente.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments