Second bf, makakatuluyan base sa marriage line
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | January 07, 2022

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon at tawagin na lang natin siyang Jay. Gusto kong malaman kung siya na ba ang makakatuluyan ko? Magta-tatlong taon na kasi kami sa darating na February, pero parang wala pa siyang balak mag-asawa. Hindi ko naman masabing magpakasal na kami dahil baka isipin niyang ako pa ang naghahabol sa kanya o napaka-aggressive ko. Pero sa totoo lang, sa edad kong 28 sa August 25, pakiramdam ko ay nasa tamang edad na ako para mag-asawa.
Siya na ba ang lalaking nakatakda kong makasama habambuhay at kung sakaling kami ay magkakatuluyan, magiging maligaya at panghabambuhay na ba ang aming papasukin o itatayong pamilya?
KASAGUTAN
Bagama’t tila dalawa ang namataang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kapansin-pansing maikli at mababaw ang pagkakaguhit ng una (arrow a.), samantalang higit na mahaba, malalim at malinaw ang ikalawa (arrow b.).
Ibig sabihin, kung sino ang ikalawang magiging boyfriend mo, siya na ang iyong makakatuluyan. Kaya kung ang kasalukuyan mong boyfriend sa katauhan ni Jay ay ikalawang nobyo mo na, tiyak ang magaganap, kung saan tulad ng naipaliwanag na, ang ikalawang makabuluhan at pangmatagalang relasyon ang nakatakda mong mapangasawa at makakasama habambuhay.
Ang pag-aanalisang si Jay ang iyong mapapangasawa ay dapat ding kumpirmahin ng Numero-Astrology na pag-aanalisa. Kung siya ay isinilang sa mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, sa zodiac sign na Taurus, Capricorn o Pisces, walang duda na siya ang makakatuluyan mo at tuluyang mapapangasawa.
MGA DAPAT GAWIN
Ang tanong na, “Ano ang tamang edad ng pag-aasawa?” minsan ay mahirap sagutin dahil sa totoo lang, sanhi ng sobrang hirap ng buhay ngayon at nagkataon pang laganap pa rin ang pandemya, hindi ang edad o pisikal na anyo ang dapat isaalang-alang sa pag-aasawa kundi ang tanong na, “May matatag na bang trabaho ang iyong boyfriend at kaya na ba niyang bumuhay ng pamilya o mas maganda kung may trabaho ka rin upang magtulungan kayong mapaunlad ang iyong itatayong pamilya at magkaroon ng savings para sa future?”
Kung “Oo,” ang sagot sa mga nabanggit na tanong, may matatag kang trabaho, ganundin ang iyong nobyo, kahit ano’ng sandali o edad pa, puwede na kayong magpakasal, higit lalo kung may kaunti kayong salaping naitatabi para naman sa mga gagastusin sa kasal.
Gayunman, anuman ang inyong maging pasya, hindi mahahadlangan ang itinakda ng kapalaran sa taong kasalukuyan dahil sa buwan ng Oktubre o Disyembre, may isang simple ngunit maligayang kasalang magaganap na hahantong sa masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments