top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Seaman bf, ‘di ka-compatible kaya iba ang makakatuluyan kahit bet nang pakasalan

  • BULGAR
  • Jul 11, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 11, 2021


Dear Maestro,


Gusto kong malaman kung compatible ba kami ng kasalukuyan kong boyfriend at kung kami na ang magkakatuluyan? Isinilang siya noong August 12, 1993 at September 14, 1994 naman ako.


Siya na ba ang lalaking nakatakada na makakasama ko habambuhay? Matagal na ang relasyon namin at nagbabalak na kaming magpakasal, kaso nasa ibang bansa siya ngayon at nagtatrabaho bilang seaman. Kung hindi ko naman siya ka-compatible, sino ang ka-compatible at mapapangasawa ko, gayundin, kailan siya darating sa buhay ko?


Umaasa,

Lyn ng Masikap, Mabitac, Laguna



Dear Lyn,


Bagama’t magkapitbahay na zodiac sign ang Leo at Virgo, hindi naman ito ang tunay na magkatugma o magka-compatible. Sa halip, ang relasyon n’yo ay pumapasok lamang sa ikatlong theory o batas ng compatibility na tinatawag na “neighboring attraction”.


Ang neighboring attraction ay nagsasabing kung sino ang magkakapitbahay na planeta at zodiac sign ay kusang naghihigupan at nagbibigayan ng lakas at enerhiya sa isa’t isa upang magpatuloy ang sistema ng sansinukob at sistema ng pananatili ng mga bituin sa kalangitan.


Ngunit ang ganyang relasyon, tulad ng Leo at Virgo, bagama’t compatible sila dahil magkatabi o magkapitbahay ang zodiac sign ay madali ring nagkakalimutan at nagkakalabuan sa sandaling lumayo ang isa dahil sa hindi inaasahang pangingibang-bansa o pagtatrabaho sa malayong lugar.

Sa panahong nagkalayo ang dalawang magka-compatible sa tinatawag na “neighboring compatibility” at tuluyang nawala ang komunikasyon ng bawat isa, tiyak ang magaganap – hihina ang power of attraction n’yo hanggang sa tuluyang bumitiw ang lakas na nag-uugnay sa kanilang dalawa at mahulog sa kawalan at tuluyan na ring matapos ang nasabing relasyon.

Kaya kung ganyan ang relasyon ng magkasintahan o mag-asawa, ang pananatiling buo o buhay ang komunikasyon at tiwala sa isa’t isa ay napakahalaga, sapagkat hindi gaanong panatag o matibay ang relasyon kung ito ay “neighboring attraction” lamang tulad ng Leo at Virgo.


Sa matuling salita, Lyn, ang ka-compatible talaga ng zodiac sign mong Virgo ay silang mga isinilang sa kapwa mo earth element sign tulad ng Taurus, Capricorn at kapwa mo Virgo, gayundin ang Pisces na under naman sa elementong tubig. Habang ang Gemini ay ka-compatible mo rin dahil ang Virgo at Gemini ay may iisang ruling planet na tinataglay – ang planetang Mercury.


Bukod sa mga zodiac sign na nabanggit na sa itaas, higit na magiging maligaya ang papasukin mong pag-aasawa at higit na magiging maunlad ang itatayo n’yong pamilya kung ang nasabing lalaking sasagutin, magiging boyfriend at mapapangasawa mo ay isinilang din sa petsang 5, 14, 23, 8, 17, 26, 7, 16 at 25.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, sa taong 2023, magaganap ang iyong pag-aasawa, hindi sa kasalukuyan mong boyfriend kundi sa isang lalaking binaggit na ang zodiac sign at birth date sa itaas. Sa pag-aasawang ito, sa edad mong 29 pataas ay tuloy-tuloy ka nang makakasumpong ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page