Scammers namamayagpag pa rin, kailangan na ng mas mabigat na parusa!
ni Ryan Sison @Boses | December 24, 2023
Mas matinding parusa ang isinusulong ngayon laban sa mga scammer, partikular sa mga patuloy na gumagamit ng SIM card at cellphones para mabiktima ang mga inosenteng indibidwal.
Ito ang naging pangako ni Senador Win Gatchalian, ilang araw matapos payagan ng Pasay Regional Trial Court, ang tatlong indibidwal na umano’y nagpanggap na kawani ng kanyang opisina, na makapagpiyansa kaugnay sa estafa charges ng senador.
Ayon kay Gatchalian, nananatili naman sa kulungan ang indibidwal na nanloko sa mga kababayan gamit ang kanyang pangalan. Marami na kasi ang patuloy na nambibiktima ng mga indibidwal gamit ang mga registered SIM cards.
Giit ng senador, kung hindi magiging mahigpit sa pagpaparehistro ng prepaid SIM card, patuloy pa rin na makakakita ng mga scammer, spammer at manloloko na bumibiktima ng mga inosenteng tao.
Sa katunayan aniya, marami pa siyang nakukuhang spam sa ngayon, gaya ng loan, o jackpot.
Ibig sabihin nito ay marami pa rin ang nakakakuha ng prepaid SIM card na gamit ang pekeng pangalan at fake identity, at malulutas lamang ang isyung ito kung mayroon na tayong national ID.
Subalit ang problema aniya, hanggang ngayon ay 30 porsyento pa lamang ng mga national ID applicants, ang nai-release sa mga aktuwal na may-ari ng naturang ID.
Sinabi rin ni Gatchalian na plano nang bigyan ng dagdag na budget sa Philippine Statistics Authority (PSA) para mapabilis ang produksyon ng national ID.
Ayon pa sa senador, masinsinan na rin nilang tinatalakay sa Senado ang isang bill na magpaparusa sa mga users at sellers ng registered SIM cards, at kabilang dito ang mga nagpo-post nito sa mga social media platform.
Binigyang-diin din ni Gatchalian, na may nagbebenta na ng GCash account o nagbebenta ng prepaid SIM cards sa Facebook, at dahil sa nagpo-post ng mga ‘yan ay magiging criminal activity at accessory to a crime na ito sa ngayon.
Aniya pa, nagiging rampant na rin ang pagbebenta ng pre-registered SIM card, pre-registered GCash account, na nagiging root cause ng money laundering, at iba pang krimen. Angpanukalang batas na nagpapalawak sa saklaw at kapangyarihan hinggil sa SIM card registration law ay nasa ilalim na ng deliberasyon ng Senado.
Mainam na palawakin at mas mabigat na parusa ang dapat na ipataw sa mga scammer na walang naisip na gawin kundi ang manloko ng kapwa.
Hindi kasi sila titigil hangga’t walang nasasampulan at napaparusahan. Pero kung ang naturang panukala ay agad maaprubahan at magiging batas, siguradong matatapos ang maliligayang araw ng mga kawatan.
Paalala sa ating mga kababayan na huwag nating hayaan na tayo ay maloko at mabiktima ng mga scammer. Gayundin, pakaingatan natin ang mahahalagang gamit lalo na ang ating mga SIM card.
Para sa mga ka-BULGAR, masaganang Pasko sa ating lahat!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments