Scammers, hataw bago ang deadline ng SIM Registration, ingat!
ni Ryan Sison @Boses | July 23, 2023
Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko na magdoble-ingat dahil ang subscriber identity module (SIM) registration ay matatapos na sa loob ng dalawang araw.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, maghahabol aniya ang mga scammer kaya kailangan na tripleng ingat ang gawin ng taumbayan.
Gayunman, binigyang-diin ni Uy na ang mga araw bago ang deadline ay ang "last hurrah" ng scammer sa paggawa ng kanilang mga krimen.
Noong Hulyo 20, sinabi ng DICT na umabot na sa 104,334,729 ang kabuuang SIM registrants.
Nakapagtala ang Globe Telecom, Inc. ng 47,587,138 registrants; Smart Communications Inc. na may 49,324,526; at 7,423,065 para sa DITO Telecommunity Corporation.
Dahil maaaring ibunyag sa SIM card registration ang kanilang pagkakakilanlan, sinamantala ng mga scammer ang pangyayaring ito at lumipat din sa iba't ibang platform, ayon sa DICT. Dahil dito, hiniling ni Uy sa mga tao na maging mas "vigilant".
Dagdag pa ni Uy, mas matinding dumami ang mga scammer habang inanunsyo ng gobyerno ang extension ng SIM registration noong Abril.
Samantala, kinumpirma naman ng DICT chief na walang karagdagang extension para sa SIM registration.
Ipinaliwanag din ni National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na ang mga gumagamit ng Electronic-wallet (E-wallet) ay hindi muna nila ma-a-access hangga’t hindi nirerehistro ang kanilang SIM card.
Binigyang-diin niya na ang mga E-wallet na nauugnay sa mga SIM card ay pansamantalang ide-deactivate hanggang sa mairehistro ang mga ito.
Ngayong dalawang araw na lang ang SIM card registration, magparehistro na sana ang iba bago pa sila mabiktima ng mga scammer.
Hindi naman nagkulang ng paalala ang gobyerno sa itinakdang deadline, kaya ang mabuting gawin ay magdoble-ingat at ‘wag magpapabiktima, maging mas matalino tayo sa scammers.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments