top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Scammer, nag-o-overtime na sa pandurugas

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 2, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 01, 2023


Maaaring makatulong sa publiko na maiwasan ang mga mobile phone scam, kung magiging mas mahirap na maabot o makontak ang mga ito.


Sa panayam kay Undersecretary Alexander Ramos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), sinabi nitong huwag nang pansinin ang mga tawag na humihiling ng personal na impormasyon o PIN code, habang nag-isyu siya ng paalala sa gitna ng patuloy na paglaganap ng mga scam sa kabila ng mga pagsisikap para mapigilan ang mga ito, gaya ng SIM card registration.


Ayon kay Ramos, ang mga bangko o telcos ay hindi humihingi ng anumang personal na impormasyon sa pamamagitan ng mga tawag o calls. Aniya, ang advice ng mga ito ay pumunta sa mga physical branches o sangay nila at makipag-usap sa opisyal nang personal para i-update ang mga personal na impormasyon.


Hindi rin nito ipinapayong mag-respond sa mga calls at text mula sa hindi kilalang sources dahil ang mga iyon ay posibleng mula sa mga cybercriminals na gumagamit ng isang system na tinatawag na “click trap”.


Sinabi ni Ramos na ang mga scammer ay maaaring mag-generate ng isang listahan ng mga numero ng mga potential victims sa pamamagitan ng AI, at tumawag o mag-send ng mga text messages upang malaman kung ang mga numero ay aktibo.


At sa sandaling tumugon naman ang isang user, maaaring gawin ng mga scammer ang “lahat ng anyo” ng mga pag-atake. Aniya, kapag sumagot sa tawag, huli na agad ng mga ito na ibig sabihin ay may tao sa likod ng numerong kanilang tinawagan. Gayundin, ang mga cybercriminals ay nag-shift na ng kanilang targets mula sa mga institution ngayon ay mga indibidwal na.


Pinayuhan naman ni Ramos ang mga phone users na iwasan ang apps sa pag-track ng kanilang location sa pamamagitan ng pag-off ng mobile data kapag hindi nila kailangang mag-online.


Paliwanag niya na kabilang ito sa mga data na kinukolekta ng mga scammer at cybercriminals upang malaman ang behavior o kilos ng isang user.


Nagiging high tech na rin ang mga scammer para makapanloko sa kanilang kapwa.


Kung anu-anong apps ang ginagamit nila tulad ng click trap, at maging AI na usung-uso na ngayon.


Dapat sigurong magdoble-ingat tayo kapag gumagamit ng ating mobile phone. Huwag na huwag tayong magbibigay ng ating personal na impormasyon o PIN code, o kaya ay mga larawan na rin dahil tila nagiging bagong kalakal online na rin ito ng mga cybercriminal na hindi na natutulog at nag-o-overtime makapandugas lamang sa kapwa.


Sa kinauukulan, talas-talasan n’yo pa sana ang pag-iisip para mahuli ang mga kawatan na pahirap sa mga mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page