Sarah Discaya: Trabaho para sa Pasigueño ang uunahin ko
- BULGAR
- 7 hours ago
- 2 min read
ni Chit Luna @News | May. 1, 2025
Pasig City — Sa pagdiriwang ng Labor Day ngayong Mayo 1, muling pinagtibay ni mayoral candidate Sarah Discaya ang kanyang pangakong unahin ang kapakanan ng mga manggagawang Pasigueño.
Ayon kay Ate Sarah, kung siya ay papalaring mahalal, pangunahing tututukan ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa lokal na hanapbuhay para sa mga residente ng Pasig.
“Ang trabaho, dapat para sa Pasigueño. Huwag nating ipagkait sa sariling kababayan ang oportunidad na umasenso,” ani Discaya.
Binigyang-diin pa ni Ate Sarah na mahalagang bigyang-prayoridad ang mga Pasigueño sa mga oportunidad sa trabaho upang mapalakas ang lokal na ekonomiya at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya. Bahagi ito ng kanyang pangarap na magkaroon ng isang pamahalaang bukas, makatao, at tunay na may malasakit sa sariling komunidad.
Si Ate Sarah ay isang matagumpay na negosyante at may-ari ng isang quadruple-A construction firm na nakabase mismo sa Pasig City. Kilala siya sa pagbibigay-prayoridad sa mga taga-Pasig at kasalukuyang nagbibigay ng trabaho sa daan-daang empleyado. Ayon sa kanya, higit 90% ng kanyang mga manggagawa ay Pasigueño — patunay ng kanyang paninindigan na ang tagumpay ay mas makabuluhan kapag ibinabahagi sa sariling komunidad.
Isa sa kanyang matibay na tagasuporta ay ang kanyang asawang si Kuya Curlee, na patuloy na nagpapatunay kung gaano nila pinahahalagahan ang mga manggagawa bilang pundasyon ng isang maunlad na lungsod.
Ngayong Araw ng Paggawa, nakikiisa sina Ate Sarah at Kuya Curlee sa pagkilala at pagbibigay-pugay sa lahat ng manggagawang Pilipino, lalo na sa masisipag na Pasigueño.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, layunin ni Ate Sarah na dalhin ang lungsod sa isang bagong yugto ng pag-unlad — kung saan ang bawat manggagawa ay may dignidad, hanapbuhay, at pag-asa.
Mabuhay ang manggagawang Pilipino! Mabuhay ang Pasigueño!
コメント